PRWC » Maralitang lungsod, organisahin ang nagngingitngit na galit ng sambayanan! Mag-aklas at mag-rebolusyon kontra korapsyon!

Ramdam ng mga mala-manggagawa at lalo ng mga maralita ang pahirap na dulot ng malakolonyal at malapyudal na lipunang pinaiiral ng rehimeng US-Marcos. Kita sa mabilis na pagsiklab ng karahasan sa Maynila matapos ang mga mapayapang protesta ng mga demokratikong organisasyon kontra korapsyon nitong Setyembre 21 ang matagal nang nagngingitngit na galit ng taumbayan sa bulok sa sistema.

Ang naganap na marahas na pag-aaklas ng mga kabataan sa Maynila, na karamihan ay maralita, ay inanak ng matagal nang nakimkim na galit ng maralita sa deka-dekadang pananamtala, pagnanakaw, pasismo, at pagkakait ng serbisyo habang tahasang binubulsa ng mga nasa poder ng estado ang kaban ng bayan at nagtatampisaw sa nakaw na yaman ang pinunong burukrata-kapitalistang si Marcos Jr.

Sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na lipunang pinatatakbo ng mga burukrata-kapitalista at imperyalistang US, konsentrado sa kamay ng mga naghaharing-uri, at ninanakaw nila, ang yamang nalilikha ng mga Pilipino na syang nagdudulot ng malawakan at walang katapusang kahirapan at pagdausdos ng kabuahyan ng mamamayan. 

Sa pagtindi ng kriris at kahirapan, tumitindi rin ang galit ng maralita sa estado at sistemang pinagkakaitan at pinagnanakawan sila. Sa pagtindi ng naturang galit, umuusbong at dumarami ang mga protesta’t pagaaklas ng mamamayan. Sa pagdami ng pagaaklas, tumitindi rin ang pasismo ng reaksyunaryong estado upang protektahan ang naghaharing-uri at ang pag-iral ng bulok na sistema. Sa ganitong kundisyon mas nangangailangang patatagin ng mga maralita ang kanilang pagkakaisa upang ganap na baguhin ang sistema.

Ngunit ganap lang nating malalabanan ang korapsyon, mapapatalsik ang rehimeng US-Marcos, at mababago ang sistema sa pamamagitan ng puspusang pagmumulat, pago-organisa, at pagpapakilos sa hanay ng maralitang, pagsasanib ng kanilang pakikibaka sa malawak pang pakikibaka ng sambayang Pilipino, at sa pagpapayakap sa kanila sa demokratikong rebolusyonaryong bayan, pagpapaunawa ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, at pagkilala sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Ang mga ispontanyo at mararahas na pag-aaklas ng mga kabataang maralita sa lungsod ay naghihintay lamang ng rebolusyonaryong gabay ng pambansa-demokratikong kilusan. Nananawagan ang Katipunan ng mga Samahang Manggagawa na
patuloy na palakasin ang organisadong hanay ng mga maralita sa mga komunidad, at gabayan ang deka-dekadang nang nagngingitngit nilang galit, ipundar ang mga ito sa pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan, at umambag sa pagpapalakas at armadong pakikibaka sa kanayunan para sa ganap ng paglaya ng sambayanang Pilipino.

Source link