PRWC » Kabataang Lagunense, suungin ang landas ng armadong pakikibaka! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Maningning at walang pagsidlang kagalakang ipinagbubunyi ng mga rebolusyonaryong kabataang Lagunense ang ika-57 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng tunay na hukbo ng sambayanang Pilipino, ang Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ipinapaabot namin ang pinakamataas na pagpupugay sa lahat ng Pulang mandirigma, milisyang bayan, yunit pandepensa sa sarili at iba pang komponente ng BHB sa Timog Katagalugan at buong bansa.

Pagpugayan natin ang lahat ng mga pulang hukbo at kumander na nag-alay ng kanilang kaisa-isang dakilang buhay para sa adhikain ng demoratikong rebolusyong bayan. Alalahanin natin ang mga kabataang martir ng Laguna: mula kina Cesar Batralo hanggang kina Jeramie “Ka Ash” Garcia, Abegail “Ka Laura” Bartolome, Misael “Ka Cuba” Ongtangco, at Alyssa “Ka Ilaya” Lemoncito. Kailanman, ang kanilang inambag para sa ikatatagumpay ng rebolusyon ay hindi mababalewala, bagkus mananatili ito bilang pinakamalaking inspirasyon upang sundan ng kabataan sa kasalukuyan ang kanilang landas at pumulot ng kanilang mga nabitawang armas at ipagpatuloy ang kanilang naiwang laban.

Higit dito, isang mataas na pagpupugay ang inihahandog namin kay Kasamang Jose Maria Sison, na siyang tagapangulong tagapagtatag ng Kabataang Makabayan na nilahukan ng libo-libong kabataan mula noon hanggang ngayon. Ang panibagong sigla na dala ng kabataan sa kilusang masa ay naging instrumental sa muling pagkatatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng Bagong Hukbong Bayan sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Ang Kabataang Makabayan ay patuloy na nagsisilbi bilang isang di-matutuyong balon ng mga mandirigma na handang mag-alay ng kanilang buhay at talino para sa kapakanan ng sambayanan.

Mula nang maitatag ang BHB noong Marso 29, 1969, malinaw ang layunin nito para sa lipunan—ang pagpapabagsak sa imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo at itatag ang isang lipunang walang pagsasamantala. Iniluwal mismo ng matinding krisis panlipunan ang BHB para isulong ang armadong pakikibaka ng mga mamamayan noong panahon ng paghahari ng diktador na si Marcos Sr., at nananatili ang kawastuhan nito magpahanggang ngayon sa panahon ni Marcos Jr. dahil sa magkaparehong dahilan.

Higit na kumakaharap ang sambayanan ngayon sa mas papatinding krisis na nililikha ng imperyalistang US sa pamamagitan ng pagsusulsol nito ng mga digmaan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig sa ngalan ng akumulasyon ng higanteng supertubo. Samantala, ang mga mamamayan ng mga bansang malakolonya at iba pang target na sakupin naman ang pumapasan sa dagok na dulot ng imperyalismong US mismo. Hindi na natin kailangan pang lumayo dahil dito mismo sa Pilipinas, ramdam na ramdam na ang epekto ng mga digmaang inilulunsad ng US: mula sa reperasyon at kawalang katiyakan sa hanapbuhay ng maraming Pilipino hanggang sa ilampung ulit na pagtaas ng presyo ng krudo, kuryente, at iba pang pangunahing produktong pangkonsumo. Lalo pa itong pinalalala ng inutil, magnanakaw, pahirap, mamamatay tao, at papet na si Marcos Jr. Hindi nakakalimot ang mga kabataang Lagunense sa bilyong pondong kinulimbat ng rehimeng US-Marcos II pati na rin ng pangkating Duterte sa mga maanomalyang flood control projects, overpriced pero low quality na mga proyekto sa DepED, confidential intelligence funds, at iba pang mga palabigasan ng korapsyon ng gobyerno.

Patuloy na paghihirap ng mga estudyante sa probinsya dahil sa kawalan ng sapat na pasilidad at silid-aralan partikular sa mga lokal na pamantasan sa Laguna. Kasabay pa nito ang 4-day work week na isang inutil na “solusyon” ng pamahalaan na mas lalong maglulubog sa mga mag-aaral sa bundok-bundok na gawain at mababang kalidad ng edukasyon. Hindi rin pinapalampas ang kabataan sa matinding redtagging ng lokal na pamahalaan at NTF-ELCAC. Sa City College of Calamba, binabansagang subersibo ang mga kabataang nakikilahok sa mga malayang kilos-protesta. Mayroon ding mga insidente ng mga bomb threat sa mga pamantasan sa probinsya simula kalagitnaan ng nakaraang taon, kasabay ng paglaban ng kabataan sa tumitinding korapsyon sa bayan. Nilalarawan ng pasismo’t bulok na sistema ng edukasyon ang tunay na imahe ng rehimeng US-Marcos na gustong maging bulag ang mga mga kabataan upang gawing mga taga-sunod lamang at lakas-tauhan para sa kapitalistang interes.

Nananatili na barat ang sahod ng mga mangagagawa sa probinsya, pumapalo mula ₱520 hanggang ₱600 ang provincial minumum wage ng mga manggagawa sa pabrika. Bukod sa napakababang kita, nakakaranas ng diskriminasyon, redtagging, at abuso ang mga manggagawa sa lalawigan. Habang mababa ang pasahod sa mga mangagawa, patuloy na tumataas ang presyo ng mga batayang bilihin dahil sa pagtaas ng presyo ng langis. Simula nang sumiklab ang imperyalistang gera ng US-Zionistang Israel sa Iran noong Pebrero, sinamantala ng mga higanteng korporasyon ng langis ang digmaan upang magtaas-singil sa mga pangunahing bilihin. Sa ngayon, ₱135.00 na ang isang litro ng krudo na doble sa dati nitong presyo na ₱60. Dahil dito, wala nang mauwing kita ang mga tsuper at maliliit na tricycle drayber sa kanilang mga pamilya.

Sa ganitong kalagayan, wala tayong ibang landas na dapat tahakin kundi ang landas ng pagrerebolusyon. Higit na nahihinog ang ating obhetibong sitwasyon para mapangahas na magmulat, mag-organisa, at magpakilos para sa demokratikong rebolusyong bayan. Patunay ang ika-57 na taon ng BHB sa mahigpit na pagyakap at pagtataguyod ng sambayanang inaapi at pinagsasamantalahan sa ating hukbong bayan.

Hinihimok ng Kabataang Makabayan ang Kabataang pilipino na sumunod sa yapak ng mga pulang bayani at martir ng sambayanan.

Mabuhay ang BHB!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Kabataan, tumungo sa kanayunan! Pagsilbihan ang sambayanan!

Source link