Proklamasyon ng Gabriela Women’s Party sa kongreso, ginanap

Nagdiwang ang mga iba’t ibang organisasyon ng kababaihan, mga bata, LGBTQ+ at mga sumusuporta sa Gabriela Women’s Party (GWP) sa proklamasyon nito noong Setyembre 17 bilang ika-64 na partylist para sa ika-20 kongreso.

Tinanggap ni Sarah Jane Elago ang certificate of proclamation bilang unang nominado ng partido. Kasama niya sa aktibidad si Emmi De Jesus, dating kinatawan ng GWP at si Atty. Lisa Clemente, abugado ng partido.

Ang pagsama sa GWP sa mga nanalong partylist sa House of Representatives ay mula sa napagkaisahang desisyon ng Commissio on Elections na dagdagan ang bilang ng mga kinatawan ng party-list mula 63 tungong 64, alinsunod sa rekisitong 20% dapat ng mga myembro ng Kongreso ay manggagaling sa mga partidong party-list alinsunod sa Party-list System Act (RA 7941).

Nagpahayag ng pasasalamat ang partido sa mga nagtiwala at sumuporta sa kanila. “Ang tagumpay na ito ay resulta ng walang sawang paggigiit ng kababaihan para sa isang palaban at makabayang boses sa kongreso,” anito.

Nangako ang partido na patuloy nitong bibitbitin sa kongreso ang “Women’s Agenda” at didiin sa kagyat na mga pangangailangan ng mamamayan tulad ng pagpapababa ng presyo ng mga bilihin at pagtaas ng sahod ng mga manggagawa.

Muli din nitong pinagtibay ang kanilang paninindigan na magsusulong ng mga batas para sa kagalingan ng mga kababaihan, manggagawa at aping sektor tulad ng Expanded VAWC Bill, Divorce Bill, Wage increase Bill, SOGIE Equality Bull, Repeal Rice Liberalization Law, Amendments to Anti-rape Law, Genuine Agrarian Reform Bill, Ammendments to Philhealth at Anti-Political Dynasty Bill.

Sa muling pag-upo ng GWP sa kongreso, tiniyak nito na mananagot ang mga korap at abusado.

“Maniningil tayo sa serbisyong matagal ng pinagkait sa atin. Kailangan managot rin ang mga contractor at mga backer nilang politiko para sa mga kontratang nagkalbo sa ating kabundukan kaya lalong binabaha ang ating mga kababayan,” pahayag ni Elago.

Source link