Kasong kriminal laban sa ‘Mexico 4,’ ibinasura

Matapos ang higit isang taong hindi makatarungang detensyon, tortyur at panggigipit, ibinasura ng isang korte sa San Fernando City, Pampanga ang kasong illegal possession of firearms and explosives laban sa tinaguriang Mexico 4. Kinilala ng Karapatan Central Luzon ang naging desisyon ng korte laban sa apat na organisador ng mga magsasaka at tagapagtanggol ng karapatang-tao.

Ang Mexico 4 ay kinabibilangan nina Maria Theresa Buscayno, Andres Ely, Oliver Millo at Desiree Jaranilla Patuñ-og, dating student regent ng University of the Philippines (1997-1998), na inaresto Hulyo 29, 2024 habang bumibyahe sakay ang isang van sa Jose Abad Santos Avenue sa Mexico, Pampanga. Ayon sa apat, kinaladkad sila mula sa van, sapilitang pinaluhod at binugbog. Limang oras silang pinadapa sa kalsada, bago sila dinala sa selda ng detensyon sa Pampanga.

Noong Agosto 14, nakalaya sina Jaranilla-Patuñ-og at Buscayno habang nananatiling nakakulong sina Millo at Ely dahil sa mga kasong kinahaharap pa sa mga korte sa Nueva Ecija at Zambales. Naibasura ang kinahaharap nilang kaso matapos katigan ng korte ang inihain nilang mosyon para sa “demurrer to evidence.” Epektibo nitong ibinasura ang kaso at ipinawalang-sala ang mga isinasangkot sa krimen dahil sa kawalan ng ebidensya.

Liban sa naibasurang kaso, kumaharap din sa kasong paglabag sa Anti-Terrorism Act ang apat na biktima na ibinasura ng korte sa Malolos, Bulacan noong nakaraang taon.

“Pinatunayan ng tagumpay na ito ang matagal na naming ipinagdidiinan—na ang AFP at PNP ay nagsinungaling at nagtanim ng ebidensya para ikulong ang inosenteng mga organisador,” pahayag ng Karapatan-Central Luzon. Nagpahayag ng galit ang grupo sa lubhang inhustisya na dinanas ng mga biktima.

Ayon kay Danilo dela Fuente, ikalawang tagapangulo ng Samahan ng mga Ex-Detainee Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA), karaniwan nang ginagamit ng estado ang taktika ng pagsasampa ng kasong illegal possession of firearms and explosives laluna at hindi nila masampahan ng ibang mga kasong kriminal ang mga aktibista at organisador.

“Ang luma at gasgas nang modus na ito ng pagpapalabas ng krimen at pagtatanim ng ebidensya ay hindi bago, lalo na tuwing tsekpoynt at reyd sa mga bahay at upisina ng mga aktibista,” ayon kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng pambansang upisina ng Karapatan. Aniya, kahit na gumagamit na ng body-worn camera ang mga pulis wuting nagsasagawa ng pag-aresto at panghahalughog, alinsunod sa atas ng Korte Suprema, nagagawa pa rin ng mga awtoridad na magtanim ng ebidensya.

Sa nangyari sa Mexico 4, ang nakatalagang taga-bidyo ng mga pwersang umaresto sa mga biktima ay nakasakay sa ibang sasakayan at naghintay ng “go signal” kung kailan sisimulan ang pagkuha ng bidyo para pagmukhaing makatotohanan ang pag-aresto. Nasiwalat ang mga ito sa naging mga pagdinig sa korte.

Anang mga grupo, hindi pa tapos ang laban hanggang ang lahat ng mga kasong kinahaharap ng Mexicoo 4 ay maipabasura at mapalaya ang lahat ng mga bilanggong pulitikal. Sa bansa, nananatiling nakakulong ang higit 700 bilanggong pulitikal.

Source link