Nagtipon ang mga grupong Gabriela Youth, Bahaghari at Flowers for Lolas noong Agosto 14 sa Roxas Boulevard sa Pasay City upang gunitain ang Pandaigdigang Araw ng Pag-alaala para sa Comfort Women.
Sa aktibidad, inalala ng mga grupo ang libu-libong kababaihang mula sa iba’t ibang bansa na biktima ng sekswal na pang-aabuso ng mga sundalong hapon at nanawagan ng hustisya para sa mga Pilipinong comfort women.
Nagsimula ang pagkilala sa krimen ng imperyalistang Japan nang ilahad sa publiko ni Kim Hak-Sun, isang Koreano, ang kanyang karanasan bilang isang comfort woman noong Agosto 14, 1991. Bilang pagkilala sa mga biktima, inatas ng gubyerno ng South Korea ang Agosto 14 bilang pandaigdigang araw ng pag-alala sa mga comfort women noong 2012.
Nasa 200,000 kababaihan mula sa Korea, China, Burma, New Guinea at Pilipinas ang ginawang sekswal na alipin ng mga sundalong Japanese sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Noong Marso 8, 2023, naglabas ng desisyon ang United Nations Committee on the Convention on the Elimination of Discrimination against Women (CEDAW) na lumabag ang Pilipinas sa karapatan ng mga biktima ng sekswal na pang-aalipin ng mga sundalong Japanese nang hindi ito nagbigay ng bayad-pinsala, suportang sosyal at pagkilala sa pinsalang dinanas ng mga biktima.
Bahagi ng inirekomendang bayad-pinsala ang pagkilala sa mga biktima, upisyal na paghingi ng paumanhin ng Japan, materyal at moral na danyos na naayon sa pisikal, sikolohikal at materyal na pinsalang naranasan at sa bigat ng paglabag sa kanilang karapatan.
Ayon sa grupong Gabriela Youth, bagamat matagal nang lumipas ang panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, patuloy pa rin ang pagbalewala ng gubyerno sa panawagan na hustisya ng mga comfort women.
“Noong nakaraang rehimeng Duterte, tinanggal ang estatwa ng comfort women sa Roxas Boulevard. Sa ilalim ng kasalukuyang rehimen, naging prayoridad ang magandang relasyon sa mga bansa tulad ng Japan at US habang isinasantabi ang hustisya para sa mga biktima,” paliwanag ng Gabriela Youth.
Patuloy na pinahihintulutan ng gubyerno ang presensya ng militar ng US sa pamamagitan ng mga hindi pantay na kasunduan, tulad ng Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), na nagbubukas ng mas maraming base militar ng US sa Pilipinas.
Samantala, pinapayagan ng Japan-Philippines Reciprocal Access Agreement (RAA) ang pagpasok at walang-taning na pananatili ng walang-takdang bilang ng mga tropa ng Japanese Self-Defense Forces (JSDF) sa teritoryo ng Pilipinas. Habang nasa loob sila ng bansa, hindi sila nakapailalim sa awtoridad ng Pilipinas at ang Japan ang mamamahala at may kontrol sa lahat ng kanilang aktbidad.
Niratipikahan ito ng Japanese Diet (lehislatura ng Japan) noong Hunyo 6 at ng Senado ng Pilipinas noong Disyembre 2024. Ang RAA ay pinirmahan ng mga kinatawan ng Japan at Pilipinas noong Hulyo 8, 2024.
Ayon sa Gabriela Youth, nagdudulot ang mga ito ng paglaganap ng prostitusyon, pang-aabuso sa kababaihan, at karahasan laban sa mga Pilipino.
“Sa pamumuno ni Marcos, tuloy ang pananahimik at paglimot sa kasaysayan ng mga biktima ng karahasan ng mga sundalong Hapon,” dagdag ng grupo.
“Hindi dapat magpanggap ang mga gubyerno na parang walang nangyaring pang-aabuso o pagpaslang sa ating bayan. Patuloy ang panawagan ng mga Lola—ang mga comfort women—na isama ang kanilang kwento sa kasaysayan. Walang dapat makalimot!” pahayag ng Gabriela Youth.











