Mga sakuna sa Cavite, dala ng delubyong rehimeng US-Marcos

Ang prubinsya ng Cavite ang isa sa mga nasalanta ng malakas na buhos ng ulan dulot ng bagyong Crising at habagat. Noong Hulyo 22, idineklara ang state of calamity sa buong prubinsya.

Hindi bababa sa siyam na bayan at munisipalidad ng prubinsya ang nalubog sa baha. Sa Bacoor, 43 ng 47 na barangay ang naitalang naapektuhan. Kalakhan ng naninirahan dito ay mga maralitang-lunsod, manggagawa at mangingisda. Kahit ang malaking engklabo tulad ng Cavite Economic Zone (CEZ) ay hindi ligtas sa baha. Umabot sa 1,345 na pamilya ang inilikas dahil dito.

Nasa 30,000 lokal na mangingisda naman ang naapektuhan ang kabuhayan dahil hindi makalaot sa lakas ng alon.

Tinatayang nasa ₱3.2 milyon ang halaga ng nasirang produkto sa agrikultura sa bayan ng Alfonso, Naic, at Tanza. Nasira rin ang halagang ₱1.5 milyon na palay sa bayan ng General Trias, Imus at Naic, at ₱407,500 na mais sa bayan ng Alfonso at Tanza.

Sa kabila ng lahat ng ito, kibit-balikat lamang si Marcos sa delubyong kinakaharap ng mamamayang Pilipino. Tinawag pa niyang “new normal” at hindi na diumano ekstra-ordinaryo ang malalang pagbaha. Sa halip na harapin ang problema sa pagbaha, hugas-kamay at papogi siya sa kanyang talumpati sa ika-apat na State of the Nation Address. Sinabihan niyang “mahiya naman kayo” ang mga upisyal ng gubyerno na kumikita sa palpak na proyekto sa pagkontrol sa baha. Ipinagmamayabang pa niya ang 9,856 na nakumpletong flood control projects na binuhusan ng mahigit kalahating trilyong piso mula 2022 na hindi madama ang epekto.

Ngunit ang totoo, siya mismo ang numero unong dahilan ng pagkasira ng kalikasan na nagdulot ng malawakang pagbaha sa bansa. Patuloy na pinahihintulutan ng rehimen ang operasyon at pagtatayo ng mga proyektong kumbersyon na nagreresulta sa hindi na malulunasan na kapinsalaan sa malalawak na kalupaan at karagatan sa lalawigan.

Kabilang sa mga proyektong ito ang 421-ektaryang Diamond Reclamation Project at Bacoor Reclamation and Development Project ng Frabelle Fishing Corporation; konstruksyon ng dambuhalang Serin condominium estates at Ayala malls ng mga Ayala sa bahaging Tagaytay; pagtatayo ng River Revetment Wall sa Sityo Pasipit, Barangay Tubuan 3, sa bayan ng Silang; ang 3,500 ektaryang Villar City Project na saklaw ang bahaging Barangay Salawag at Barangay Paliparan sa Dasmariñas at ang 11.7 kilometrong LRT-1 Cavite Extension sa apat na barangay ng Bacoor. Kapalit ng mga proyektong ito ang pagkawasak ng kabuhayan ng libu-libong mamamayan sa Cavite at malawakang dislokasyon.

Pangunahing kinasasabwat ng rehimen ang mga lokal na burukrata-kapitalista at pampulitikang dinastiya na naghahari ngayon sa bawat distrito ng lalawigan at nakikinabang sa mga mga proyekto tulad ng mga pamilyang Tolentino, Barzaga, Revilla-Bautista at Advincula.

Ayon kay Simeon Magdiwang, tagapagsalita ng NDF-Cavite, dapat magkaisa ang pinakamalawak na hanay ng mamamayang Kabitenyo para singilin ang rehimeng US-Marcos sa lahat ng krimen nito sa sambayanang Pilipino. “Tanging sa pagyakap sa landas at programa ng pambansa-demokratikong pakikibaka na may sosyalistang perspektiba natin makakamit ang tunay na pag-unlad at pagbabago. Ang pagtahak sa landas na ito ang magiging puhunan ng ating laksa-laksang lakas upang dalhin sa tagumpay ang ating rebolusyonaryong pakikibaka. Sa landas lamang na ito natin masisilayan ang maaliwalas na kinabukasan para sa sambayanan,” pahayag ni Ka Simeon.

Source link