Mga maralita at biktima ng sakuna at pagbaha, giit ang kumpensasyon sa DWSD

Naglunsad ng kilos-protesta ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) at People Surge National Alliance of Disaster Survivors sa harap ng pambansang upisina ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Agosto 4 sa Quezon City. Panawagan nila ang pagbibigay ng kumpensasyon sa mga maralita na sinalanta ng sunud-sunod na mga bagyo.

Sa pinakahuling datos ng estado, umabot sa ₱14 bilyon ang danyos sa imprastruktura at ₱3.3 bilyon naman sa agrikultura dahil sa sunud-sunod na bagyong Crising, Dante at Emong at epekto ng hanging habagat. Hindi bababa sa 254 mga syudad at bayan ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa mga pinasala.

Ayon sa mga nagprotesta, dapat kaagad ipatupad ng rehimeng Marcos ang pamamahagi ng ₱25,000 na kumpensasyon para sa bawat pamilyang naapektuhan ng pagbaha. “Hindi sapat ang mga hungkag na pangako habang ang mga apektado ay nananatiling basang-basa, gutom, at walang masilungan,” pahayag ng Kadamay.

Anang grupo, sa kabila ng pagkasira ng mga tahanan ng nasalanta, pagkawala ng kabuhayan, at pagkalugmok sa gutom at kawalang-katiyakan, muling tumindig ang mga maralitang-lunsod upang ipanawagan ang kanilang mga hinaing.

“Sa gitna ng matinding paghihirap ng mamamayan, patuloy ang pagkakamal ng tubo ng malalaking korporasyon at dayuhang interes mula sa mga proyektong sumisira sa kabuhayan at kalikasan ng maralita tulad ng reklamasyon, quarrying, pagmimina, at malalaking imprastruktura. Ang mga proyektong ito ay itinutulak ng rehimeng Marcos Jr na sunud-sunuran sa dikta ng imperyalistang US,” dagdag pa ng Kadamay.

Panawagan ng mga nagpuprotesta hindi lamang ang agarang tulong, kundi pati ang pangmatagalang solusyon gaya ng ligtas at abot-kayang pabahay, garantisadong serbisyong panlipunan, at pagpapatigil sa mga mapanirang proyekto. Kasama rin sa panawagan ang buo at tapat na paggamit ng ₱41.6 bilyong United Nations Loss and Damage Fund para suportahan ang mga biktima at itaguyod ang katarungang pangklima.

Source link