Lumahok ang 50 myembro ng iba’t ibang organisasyon ng mga migranteng kasambahay sa isang dayalogo na ipinatawag ng mga upisyal ng Labour Department ng Hong Kong noong Agosto 3 para sa taunang pagrebyu sa sahod ng mga manggagawa para sa mga migrante sa bansa.
Bago ang dayologo, naglunsad ng pagkilos ang Asian Migrants Coordinating Body (AMCB-IMA-HK), koalisyon ng mga organisasyon ng mga migrante na nakabase sa Hong Kong, sa labas ng Labour Department sa Sheung Wan upang ipanawagan ang nakabubuhay na sahod na $6,172 at $3,123 na alawans sa pagkain.
Sa dayalogo, inilahad ng AMCB ang matagal nang panawagan para itaas ang buwanang sahod ng mga migranteng kasambahay at ipantay ito sa minimum na sahod ng manggagawa sa Hong Kong. Sa miminum, dapat sapat ang kinikita ng mga migrante upang mabuhay at masuportahan ang kanilang mga pamilya sa bansang pinanggalingan.
Nanawagan din ang grupo na malinaw na ilahad sa istandard na kontrata ng mga manggagawa ang bilang ng oras sa pagtatrabaho, eksaktong depinisyon ng “angkop na tirahan” at “disenteng pagkain.”
Nanawagan din ang mga migrante na itigil ang akusasyon ng “job-hopping,” magkaroon ng opsyon na hindi stay-in o nakatira sa loob ng bahay ng amo, at tanggalin ang pagbabawal na makapagtrabaho ang mga manggagawa mula sa Nepal. Inilahad din nila sa dayalogo ang pangangailangan na tanggalin ang mga kundisyon at bayarin bago makapagtrabaho at parusahan ang mga ahensya na gumagawa ng iligal na hakbang.
“Patuloy kaming manananawagan sa gubyerno ng Hong Kong na tugunan ang matagal nang problema ng mga manggagawa at gumawa ng kongkretong aksyon,” pahayag ng ACMB-IMA-HK.











