Reklamo laban sa kumpanya sa mina at mga ahensya ng gubyerno, isinampa ng mga residente ng Benguet

Nagsampa ng kasong sibil ang mga kinatawan ng Sityo Dalicno, Barangay Ampucao, Itogon, Benguet sa Regional Trial Court (RTC) sa La Trinidad noong Hulyo 21 laban sa Itogon Suyoc Resources, Inc. (ISRI) at mga ahensya ng gubyerno dahil sa paglabag sa karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupang ninuno. Nakabatay ang kaso sa tinawag nilang iligal na hakbang at maniobra para matuloy ang Application for Production Sharing Agreement (APSA) 103.

Ang APSA 103 ay isang kasunduan ng ISRI at gubyerno na magpapahintulot ng pagmimina sa 581 ektaryang lupa na nasa saklaw ng mga barangay ng Virac, Poblacion, at Ampucao. Sa bisa nito, papayagan silang makapagmina ng 22 milyong tonelada ng gold-bearing ore sa loob ng 25 taon.

Ang ISRI ay buong pagmamay-ari ng Apex Mining ni Enrique Razon, isa sa pinakamalaking burges kumprador sa bansa. Liban sa ISRI, pagmamay-ari rin nito ang Maco Gold Mine sa Davao de Oro kung saan naganap ang pagguho ng lupa noong Pebrero 2024 na ikinasawi ng 68 katao.

Liban sa ISRI, imbwelto sa kasong sibil ang Mines and Geosciences Bureau (MGB), Department of Environment and Natural Resources (DENR), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at Itogon Indigenous Peoples Organization (IIPO). Layunin ng kaso na kwestyunin kung wasto ang prosesong dinaanan ng kumpanya at mga ahensya sa pagkuha nito ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) mula sa mga katutubo.

Ayon sa reklamo, isinaisantabi ng ISRI, NCIP at IIPO ang mga katutubo ng Dalicno nang pinirmahan ang Memorandum of Agreement (MOA) at inilabas ang Certification of Precondition (CP) para sa APSA 103. Iniulat na napirmahan ang MOA noong Setyembre 2023 habang inilabas ng NCIP ang CP noong Nobyembre 2024.

“Ang ligal na hakbang na ito ay tugon sa mga pagtatangka ng ISRI na ituloy ang kanilang proyektong mina na APSA 103 nang walang lehitimo at inklusibong pahintulot mula sa apektadong komunidad ng katutubo,” ayon sa pahayag ng Itogon Interbarangay Alliance (IIA).

Ayon pa sa alyansa, sinusubukan ng ISRI na ikutan ang kanilang aplikasyon para sa production-sharing agreement sa pamamagitan ng Special Mining Permit (SMP), na hindi isinasaalang-alang ang pagtutol ng komunidad at ang kinakailangang proseso ng FPIC.

Bahagi rin ng reklamo ang mga katutubo sa Korte ang paglalabas nito ng isang temporary restraining order (TRO) at/o preliminary injunction at writ of prohibition laban sa MGB Central Office at sa kalihim ng DENR. Itinutulak nila na itigil ang patuloy na pagpuproseso at pag-apruba sa APSA 103.

Noong Pebrero 2024, aktibong tinutulan ng mga katutubo sa Sityo Dalicno ang pagpapatibay ng rehimeng Marcos sa APSA 103 sa ISRI. Noon pa man, isinwalat na nilang maraming iregularidad sa proseso ng pagkuha ng FPIC.

Ilang buwan matapos, naglunsad ng malawakang karaban ang mga residente ng Itogon tungong Benguet Provincial Capitol noong Hunyo 2024 para tutulan ang proyektong pagmimina.

Kaya naman ikinabigla nila noong Nobyembre 2024 ang paglalabas ng NCIP Cordillera ng CP para sa APSA 103 sa kabila ng paulit-ulit nilang pagbatikos at pagtutol sa proyekto. Sa pahayag ng IIA noong Nobyembre 2024, sinabi ng alyansa na seryosong binaliwala ng desisyon ang mga boses at usapin na iniharap ng mga komunidad na malaon nang nagpahayag ng kanilang oposisyon sa proyekto.

Dagdag dito, ipinabatid lamang sa Sityo Dalicno ang inilabas na sertipikasyon ng NCIP Cordillera noong Marso, apat na buwan matapos itong ilabas ng ahensya.

Naninindigan ang taga-Itogon sa pagpasok ng mina dahil magdudulot ito ng polusyon na maaaring magkontamina sa kanilang kailogan at sasaklawin nito ang kanilang mga lupang ninuno na pinagkukunan nila ng kabuhayan.

Ayon sa IIA, ang pagsasampa ng mga lider ng Sityo Dalicno ng kasong sibily ay bahagi ng mas malawak na pakikibaka ng mga katutubo para igiit ang kanilang mga karapatan sa lupang ninuno. Kaugnay nito, nais nilang panagutin ang mga korporasyon at mga ahensya ng gobyerno na lumalabag sa kanilang mga karapatan.

Source link