Ang Bayan Ngayon » 2 berdugong pulis, bulagta sa ambus ng BHB-Mindoro

Napatay ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command) ang dalawang berdugong elemento ng Philippine National Police (PNP) sa ambus sa bumibyaheng mga pulis sa Barangay Bagong Silang, Victoria, Oriental Mindoro noong Hulyo 13 ng hapon. Ayon sa hukbong bayan, malaking sampal ito sa mukha ng pulis at militar na ilang ulit nang nagsabing makakamit na ang istatus na “insurgency-free” sa isla.

“Tugon ito ng BHB-Mindoro sa kahilingan ng mga Mindoreño na panagutin ang AFP-PNP sa teroristang kampanya nito sa mga bayan sa Central Oriental Mindoro,” pahayag ni Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng BHB-Mindoro.

Ang presensyang militar at pulis sa bayan ng Victoria ay bahagi ng pagbibigay seguridad sa malalaking mapangwasak at kontra-mamamayang proyekto. Kabilang dito ang pitong lugar sa pagkukwari sa Victoria na pinayagan ng lokal na gubyerno. Nakaamba rin ang pagpasok ng malaking operasyong mina sa Victoria mula sa pagbuhay sa Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ng Mindoro Nickel Project.

Pipinsalain ng mga ito ang libu-libong ektaryang lupain kung saan nakaasa ang kabuhayan ng mga magsasaka at katutubong Mangyan. Karaniwan nang kalakaran para sa pulis at militar ang pagpwesto bago magsimula ang mga mapangwasak na proyekto upang pigilan ang pagtatanggol ng mamamayan sa kanilang lupa at likas na yaman.

Liban sa terorismong militar sa Victoria, sa nagdaang mga buwan ay higit pang pinatindi ng militar at pulis ang kampanya ng panunupil nito sa mga Mindoreño kasunod ng mga pagkatalo laban sa hukbong bayan noong Nobyembre 2024 sa bayan ng Socorro at noong Pebrero sa bayan ng Pola. Ayon kay Ka Madaay, “ibinabaling ng AFP-PNP ang kanilang galit sa mga sibilyan sa pamamagitan ng walang awat na mga operasyong lumiligalig sa mga pamayanan.”

Dumanas ang masang magsasaka ng pagpapahirap, pang-aabuso sa awtoridad at kapangyarihan ng militar at pulis. Ipinatutupad ang mga ito sa pamamagitan ng pagbabawal na pumunta sa kanilang mga bukid at pangisdaan, panghahalughog sa kanilang mga bahay, pananakot, pambabanta at iba pang paglabag sa karapatang tao.

“Ang militarisasyon at di deklaradong batas militar sa buong isla ay nagsisilbing proteksyon ng mga pumapasok at nag-oopereyt na mga dambuhalang negosyo na tinututulan ng mamamayan dahil sa pangwawasak ng mga ito sa kalikasan at sa buhay at kabuhayan ng mga Mindoreño,” pahayag ni Ka Madaay.

Dahil dito, ibinahagi ni Ka Madaay na ipinagbubunyi ng lahat ng Mindoreño ang opensiba ng BHB sa Bagong Silang dahil sa pagbibigay ng hustisya. “Patuloy na sinusuportahan ng mamamayang Mindoreño ang BHB sapagkat alam nila na ang Pulang hukbo ang kanilang pinakamaasahang katuwang sa paglaban sa lahat ng pagsasamantala’t pang-aapi,” pahayag niya.

Hinamon ni Ka Madaay ang lahat ng yunit ng BHB-Mindoro at mga Pulang kumander at mandirigma na palaganapin ang katulad na mga aksyong militar laban sa mga kaaway ng mamamayan. “Sa gabay ng Partido at kilusang pagwawasto, dapat seryosong iwaksi ang konserbatismong militar at ilunsad ang paparaming mga taktikal na opensiba batay sa kakayahan ng mga yunit ng hukbong bayan,” panawagan niya.

Source link