Kinundena ng mga grupo na Karapatan at Bahaghari ang brutal na pagpaslang kay Ali Jejhon S. Macalintal noong Hunyo 23, alas-7 ng umaga, sa loob Delmont Massage and Spa sa Barangay Lagao, General Santos City.
Nagtatrabaho noon si Macalintal bilang acupuncturist sa spa nang pagbabarilin siya ng di nakilalang lalake.
Si Macalintal, isang transwoman, ay naging myembro ng Bayan Muna noong kabataan niya. Noong 2002, sa edad na 19-anyos, naging biktima siya ng tortyur at gawa-gawang kaso na illegal possession of explosives. Pagkalaya noong 2010 ay naging aktibong myembro siya ng Bagong Alyansang Makabayan at Karapatan. Naging paralegal din siya ng Union of Peoples Lawyers in Mindanao (UPLM). Kalaunan ay nagsilbi siyang pangalawang pangkalahatang kalihim ng Karapatan-SOCSKSARGEN mula 2016 hanggang 2018. Nag-organisa at lumahok din si Macalintal sa mga fact finding mission sa Mindanao noong dineklara ang batas militar sa isla. Naging bahagi rin siya ng Lakbayan ng Pambansang Minorya noong 2017.
Taong 2019 hanggang 2025 ay nagsilbi siyang radio anchor sa Radio Philippines Network XDX GenSan at host ng “Dear Ka-Bandera” ng Radyo Bandera News FM GenSan.
Ayon ng mga katrabaho ni Macalintal, nakatanggap siya ng mga banta sa kanyang buhay na nagresulta sa matinding stress sa nakalipas na mga araw.
Noong 2024, nag-ulat siya sa Karapatan na ginigipit at minamanmanan siya ng mga ahente ng estado sa ilalim ng Task Force Gensan. Kwento niya, natatakot na siya para sa kanyang buhay dahil hinahanap siya ng mga sundalo sa kanyang pinsan at mga kapitbahay. Nang humingi ng paliwanag si Macalintal sa task force, pinilit siyang pumirma sa isang dokumento. Nagpatuloy ang panggigipit sa kanyang hanggang sa kanyang pagkamatay.
Tinukoy ni Macalintal na sila Ssgt. Makoy Manalo, Ssgt. Pandian, Ssgt. Toledo at Ssgt. Bong Dionisio ang ilan sa mga sundalo na nagbanta sa kanya. Sinabi niya sa kanyang pamilya na dapat papanagutin ang mga sundalong ito at ang Task Force Gensan kung may mangyaring masama sa kanya.
“Isa (siya) sa pinakamatapang na LGBTQIA na myembro ng Karapatan. Masipag, matapang, malambing. Nagluluksa kami,” pahayag ni Christina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.
“Si Ali ay isang matatag at matapang na tagapagtaguyod ng karapatang-tao. Hindi siya takot na sabihin at ilantad ang katotohan. Nawalan tayo ng makapangyarihang boses sa pagsusulong ng karapatan ng mga LGBTQ+ sa bansa. Ang katapangan ni Ali ay hindi makakalimutan ng komunidad ngayon buwan ng Pride,” pahayag ni Reyna Valmores Salinas, tagapangulo ng Bahaghari.
“Ang nagpapatuloy na kultura ng impunidad ay lalong nagpapalakas ng loob sa mga gustong patahimikin ang mga kritiko at tagapagtanggol ng karapatang-tao. Hindi dapat maging isang dagdag na istadistika lamang ang karumal-dumal na krimen na ito sa mahabang listahan ng hindi resolbado mg kaso sa bansa. Dapat matukoy sino ang mga salarin, makulong at managot sa kanilang mga krimen,” pahayag naman ni Atty. Carlos Zarate, kinatawan ng Bayan Muna.
Nanawagan ang Karapatan at Bahaghari sa kinauukulan na maglunsad ng mabilis at independyenteng imbestigasyon sa pagpalaslang kay Macalintal at panagutin ang mga salarin.