Tatlong sibilyan, hindi mga NPA, ang pinatay ng 8th ID sa Catubig, Northern Samar

Mariing kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas ang walang kaabog-abog na pagpaslang ng 8th ID sa tatlong sibilyan sa Barangay Nagoocan, Catubig, Northern Samar noong Hunyo 3. Taliwas ito sa pinalalabas ng mga upisyal ng AFP na ang mga pinaslang nila ay kasapi ng NPA. Walang dangal at integridad na nagsisinungaling si Maj. Gen. Ariel Orio, hepe ng 8th ID.

Alinsunod sa ulat ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-Nothern Samar, sina Noel Lebico Sr ng Barangay Roxas, Catubig; Arnel Aquino ng Barangay Osmeña, Palapag; at Nonoy Norcio ng Barangay Luneta, Gamay ay pawang mga ordinaryong magsasaka sa lugar. Silang tatlo ay matagal nang target ng brutal na kampanyang pagpapasuko ng pasistang militar.

Ang mga baryo at bayang kanilang tinitirahan ay nakapailalim sa di-deklaradong batas militar mula pa noong 2020. Matapos paslangin, ginamit pa ng 8th ID ang menor-de-edad na anak ni Lebico para palabasing Pulang mandirigma ang kanyang ama.

Pinag-initan ng 8th ID sina Lebico Sr, Aquino at Norcio dahil sa pagtanggi nilang pumaloob sa mga programa ng 8th ID at NTF-Elcac katulad ng E-CLIP kung saan sapilitan silang “pinasusurender” para magturo at ipahamak ang mga kababaryo nilang kapwa nilang magsasaka.

Sunud-sunod ang mga kaso ng pagpatay, pag-aresto at pag-abuso ng mga tauhan ng AFP laban sa mga sibilyan sa Northern Samar, Negros at Sorsogon. Kapansin-pansin ang lalong pagtindi ng sapilitang pagpapasurender, pangliligalig sa mga komunidad at pamamaslang sa mga sibilyan habang papalapit ang hibang na mga “dedlayn” para “gapiin” ang NPA. Sa paghahabol ng mga kumander at mga batalyon, mga sibilyan ang pinagbubuntunan ng kanilang pasistang pananalakay.

Nananawagan ang PKP sa masang magsasaka at mga balangay ng PKM na buong tatag na labanan ang pasistang lagim. Palakasin ang sariling hanay at paghandaan ang pagbibigwas sa mga berdugong naghahari-harian ngayon sa mga barangay.

Source link