Ang rehimeng Marcos Jr at ang mga patakaran nitong atrasado at maka-dayuhan ang salarin sa malaking bilang ng nawalan ng trabaho, partikular sa mga sektor ng pagmamanupaktura at agrikultura, ayon sa mga magsasaka at mananaliksik. Alinsunod sa pinakahuling datos na isinapubliko ng Philippine Statistics Authority noong Hunyo 6, kalahating milyon sa pagmamanupaktura habang 600,000 naman sa agrikultura ang nawalan ng hanapbuhay noong Abril 2025, mula sa bilang nito noong Abril 2024.
Ayon sa IBON Foundation, bagamat bahagyang tumaas ang kabuuang empleyo mula 48.4 milyon noong Abril 2024 tungong 48.7 milyon noong Abril 2025, tumaas din ang bilang ng mga walang trabaho mula 2 milyon tungong 2.1 milyon. Ang mas nakababahala, mababa ang kalidad ng nalilikhang mga trabaho. Mas dumami ang mga part-time na trabaho (nadagdagan ng halos isang milyon) habang bumaba ang full-time na trabaho ng mahigit 800,000 sa parehong panahon.
“Ang sektor ng pagmamanupaktura, na kritikal para sa makabuluhang pag-unlad sa ekonomya at paglikha ng trabaho, ay nakaranas ng malaking bilang na kalahating milyong trabahong nawala,” ayon sa IBON. Ang pinaka-apektadong mga industriya ay ang semiconductors at electronics na nawalan ng 76,000 trabaho, garments na nawalan ng 71,000, plastic products ng 51,000, at food processing ng 42,000. Ayon sa IBON, ang nawalang mga trabaho sa semiconductors ay epekto ng lumalalang proteksyonismo ng US at ng mahinang pusisyon ng Pilipinas sa pandaigdigang produksyon nito.
Binatikos ng IBON ang rehimeng Marcos sa hindi sapat na tugon. “Ang pagpokus lamang sa ’employability’ ng mga naghahanap ng trabaho ay isang mababaw na tugon,” ayon sa grupo. Hindi rin sapat ang sumandig lamang sa pag-akit ng dayuhang mamumuhunan para makalikha ng bagong mga trabaho, anito.
“Ang tunay na pag-unlad ay nangangailangan ng malinaw na programa ng industriyalisasyong Pilipino para estratehikong mapaunlad ang lokal na kapasidad ng pagmamanupaktura at agrikultura gamit ang mataas na teknolohiya para makalikha ng mas marami, sustenable at de-kalidad na trabaho,” ayon sa grupo.
Samantala, pinuna ng grupong magsasaka na Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang rehimeng Marcos dahil sa pagdami ng walang trabaho sa sektor ng agrikultura mula 1.93 milyon noong Marso 2025 tungong 2.06 milyon noong Abril 2025. Ayon kay Danilo Ramos, pinuno ng KMP, ang patuloy na paglala ng disempleyo ay “hindi lamang usapin ng ‘skills mismatch’ kundi direktang bunga ng istagnant o di umuunlad na sektor ng agrikultura at industriya.”
Binigyang-diin ni Ramos ang tindi ng disempleyo sa agrikultura, kung saan mahigit 609,000 ang nawalang trabaho. Aniya, 483,000 dito ay may kaugnayan sa produksyon ng palay. “Ang mga nawalang trabaho sa pagsasaka ng palay ay hindi lamang mga numero. Ito ay mga pamilyang magsasaka na nawalan ng kabuhayan dahil sa mataas na gastos sa pagsasaka, importasyon, at iba pang pangunahing problema sa agrikultura,” aniya. “Ang mga pagkawala ng trabaho sa agrikultura ay patunay na hungkag ang mga pangako ni Marcos Jr.”
Matagal nang pabagsak ang padron ng sektor ng pagmamanupaktura sa Pilipinas. Sa ngayon, nasa pinakamaliit ang bahagi nito sa ekonomya sa loob ng 76 na taon. Ayon sa IBON, ang pababang padron ay pinalala ng 40 taong globalisasyon na nakaasa sa dayuhang pamumuhuan na nagtali sa bansa sa produksyon ng mga kalakal na may mababang dagdag-halaga. Ang sektor ng agrikultura naman ay patuloy na binabayo ng mataas na gastos sa produksyon, kumpetisyon sa importasyon, at kulang na suporta mula sa gubyerno.
“Nahihiwalay sa reyalidad ang gubyerno at walang pakialam sa tunay na krisis na nararanasan ng masa,” ayon kay Ramos. Itinatakwil ng KMP ang mabababaw at hanggang salita na mga patakaran ng rehimeng Marcos. Iginiit nito sa rehimen na tugunan ang mga ugat ng pagbagsak ng agrikultura upang maibalik ang kabuhayan at makalikha ng disenteng trabaho.