PRWC » 7 tropa ng 19th IB, patay sa mga aksyong militar ng BHB-Northern Samar

Aabot sa pitong pasistang tropa ng 19th Infantry Battalion ang napatay sa tatlong aksyon militar ng Bagong Hukbong Bayan-Northern Samar (Rodante Urtal Command o BHB-RUC) sa ikalawang hati ng 2025. Dagdag itong pagpapasinungaling sa deklarasyon ng rehimeng Marcos at ng 8th Infantry Division na wala nang grupong gerilya sa bansa.

Inambus ng BHB-RUC ang mga nag-ooperasyong elemento ng 19th IB noong Disyembre 15, 2025 sa Barangay Poponton, Las Navas. Dalawang pasistang tropa ang napatay at may ilan pang nasugatan, habang ligtas na nakaatras ang mga Pulang mandirigma.

Bago nito, nireyd ng pasistang batalyon ang isang yunit ng BHB-RUC sa Barangay Gusaran, Silvino Lobos noong Disyembre 10, 2025. Isang pasistang tropa ang napatay habang magiting na nag-alay ng buhay ang isang Pulang mandirigma.

Aktibo namang nakapagtanggol ang BHB-RUC laban sa 37 elemento ng 19th IB na nagtangkang sumalakay noong Hulyo 22, 2025 sa Barangay L. Empon, Las Navas. Dahil nakapaghanda laban sa kaaway, umabot sa apat na pasistang tropa ang kanilang napatay habang walang natamong kaswalti ang Pulang hukbo.

Ang putok ng mga nasabing aksyong militar ay nagpapatunay ng patuloy na pagbigo ng BHB sa Northern Samar sa todo-gyera ng pasistang militar. Hindi ito magiging posible kung wala silang natatamasang suporta mula sa masang magsasaka.

Source link