Tagapagtaguyod ng imperyalistang adyenda ng US sa SEA

Noong Oktubre 31, inianunsyo ni Pete Hegseth, kalihim ng Department of War ng US (dating Department of Defense) ang pagtatatag ng US ng “Task Force Philippines” sa pulong ng ASEAN Defense Ministers’ Meeting (ADMM)-Plus sa Malaysia. Bubuuin ang task force na ito ng 60 elemento mula sa US Pacific Fleet at pamumunuan ng isang Amerikanong heneral. Pagpapalawak ito sa mga operasyon ng US Task Force Ayungin na nakabase sa Palawan at kasalukuyang nagdidirihe sa pakikipagkiskisan ng Pilipinas sa mga barkong Chinese sa pinag-aawayang mga isla at bahura.

Isinapubliko ni Hegseth ang Task Force Philippines matapos hindi sang-ayunan ng ASEAN ang panukala niyang pagbubuo ng isang “shared maritime domain awareness program” para isentro sa US ang mga datos-paniktik laban sa China. Hindi kumagat ang mga bansa sa panukala sa kabila ng alok niya ng abanteng teknolohiyang drone tulad ng mga unmanned na sasakyang panghimpapawid at pandagat kapalit ng kooperasyon.

Isa na lamang “Indo-Pacific Chiefs of Defense Cooperation Council” ang binuo ni Hegseth, kasama ang sunud-sunurang tuta nitong si Gilbert Teodoro, at mga kalihim sa depensa ng Australia at Japan sa pagpupulong nila sa Malaysia noong Nobyembre 1. Walang bago sa konsehong ito dahil ang apat na bansa ay may sapin-sapin nang “kooperasyon” sa anyo ng mga bilateral, trilateral at multilateral na kasunduang militar.

Tagapamandila ng imperyalistang adyenda

Bago ang anunsyo, nagpahayag ng pagkabahala ang mga karatig-bansa ng Pilipinas sa talumpati ni Ferdinand Marcos Jr sa ASEAN noong Oktubre 28 kung saan nanawagan siya para sa “enhanced defense cooperation” kasama ang Japan at US laban sa “seryosong banta ng agresyon ng China” sa rehiyon.

Babala ng prime minister ng Malaysia na si Anwar Ibrahim, “huwag magpadala sa mga eksternal na pwersa” para lutasin ang internal na mga sigalot. Ani Ibrahim, marapat na parehong iwasan ang pamimilit at kaguluhan alang-alang sa istabilidad ng rehiyon. Inengganyo niya ang mga bansa na idaan sa dayalogo, kooperasyon at mapayapang paraan ang pagresolba ng mga usapin alinsunod sa mga prinsipyo ng ASEAN. Nagpahayag ng pagkabahala ang Indonesia, Laos at Cambodia sa lalo pang pag-init ng tensyon sa karagatan dulot ng agresibong paghahamon ni Marcos sa China.

Kamakailan, iwinasiwas pa ng kumander ng AFP na si Romeo Brawner ang kakayahan ng Typhon Missile System na “abutin ang China.” Nakalagak ang naturang sistema ng misayl sa hilagang bahagi ng Luzon, malapit sa Taiwan. Maituturing itong opensibang pagpopostura at bahagi ng panghihimasok ng US sa internal na usapin ng Taiwan at China.

Base ng imperyalistang makinarya sa digma

Ang Pilipinas, sa pamamagitan ng sagadsaring tutang estado nito, ang tanging bansa sa Southeast Asia na nagpapahintulot ng matagalang pagbabase ng mga dayuhang tropa at kanilang mga armas sa kalupaan at karagatan nito. Ito lamang din ang mayroong pormal na mga kasunduang militar sa US na katulad ng Mutual Defense Treaty at Enhanced Defense Cooperation Agreement sa rehiyon. Tanda ng sagadsaring pagpapakatuta nito, binuo ng AFP ang Strategic Command para buklurin ang iba’t ibang sangay nito para higit na padulasin ang daloy ng kumand ng US sa loob nito.

Sa susunod na mga buwan, hindi na lamang mga tropang Amerikano ang pahihintulutan ng rehimeng Marcos na magbase sa Pilipinas. Nasa negosasyon na ang pagtatatag ng Japan at Australia, mga mayor na alyado ng US, ng sarili nitong mga base at imbakan sa bansa. Dagdag sa US, apat nang bansa ang pinahihintulutang maglabas-pasok ng tropa, gamit at sasakyan alinsunod sa binuong mga visiting forces agreement (VFA). Pinakahuli dito ang VFA kasama ang Canada na nilagdaan noon lamang Nobyembre 2.

Walang patid at nagsasalit-salitan ang presensya ng mga dayuhang tropa sa bansa sa anyo ng walang katapusang war games, multilateral maritime exercise, “pagbabahaginan” ng karanasan at mga operasyong sibil-militar. Ginagamit ng mga ito maging ang sunud-sunod na mga sakunang dinaranas ng mga Pilipino, tulad ng lindol at baha, para gawing “normal” sa mamamayan ang kanilang presensya at panghihimasok sa internal na mga usapin sa bansa.

Source link