Tortyur, panliligalig at pangigigpit ng mga pulis sa mga detenidong inaresto sa protesta sa Mendiola, kinundena

Kinundena ng Karapatan-National Capital Region (NCR) ang paulit-ulit na karahasan, pananakit, at pang-aabuso laban sa mga detenidong inaresto noong Setyembre 21 sa Manila Police District (MPD). Nanawagan ang grupo ng agarang independiyenteng imbestigasyon at pagpapanagot sa mga salarin sa mga abusong ito.

Ayon sa nakalap na ulat ng Karapatna-NCR, pinipilit ang mga detenido na gumawa ng mga trabahong hindi nila obligasyon, pinagbabayad kapalit ng hindi pananakit, at tinatakot para umamin ng hindi nila ginawa. Hindi nakaligtas sa kalupitan ng mga pulis kahit ang mga person with disability (PWD) na nakakulong.

Naitala ng grupo ang kaso ng pambubugbog at pagbalot ng plastik bag ng mga pulis sa ulo ng PWD na si Edzel Santos. Samantala, ipinailalim sa matinding interogasyon at mental na tortyur ang iba pang PWD kabilang sina Alexis Bisuyo and Alvin Karingal. Si Karingal ay pinag-iinitan dahil umaani ng suporta sa social media ang kanyang kaso matapos makilala bilang si “fishball boy.”

Bago pa naitala ang mga karagadang kasong ito ng paglabag sa karapatan ng mga detenido, nauna na silang pinagkaitan ng tamang proseso sa batas. Pinagkaitan sila na mabisita ng kanilang mga kaanak, makausap ng mga abugado at mabigyan ng angkop na atensyong medikal.

“[Ang mga] ito ay malinaw na paglabag sa kanilang mga karapatan bilang tao at bilang mga detenidong may proteksyon sa ilalim ng batas at internasyunal na makataong pamantayan,” pahayag ng Karapatan-NCR. Dagdag nito, hindi lamang basta pang-aabuso ang ginagawa ng mga pulis kundi sadyang tinatanggalan ng dangal ng MPD ang mga nakadetine pa hanggang ngayon.

Muling binista ng mga doktor mula sa Health Action for Human Rights ang mga nakakulong na detenido noong Setyembre 28 para alamin ang kanilang kalagayan. Ayon sa grupo, ang mga sugat ng mga detenido mula sa karahasan ng mga pulis sa protesta ay lumalala dahil sa kalagayan sa loob ng kulungan.

Ipinailalim sila sa tsek-ap ng mga doktor, binigyan ng mga gamot, at nilinis ang kanilang mga sugat. Babalik ang grupo sa susunod na mga araw para muling isailalim sa tsek-ap ang mga detenido.

Giit ng Karapatan-NCR, dapat panagutin ang mga pulis at pamunuan ng MPD sa mga pang-aabuso nito. “Ang MPD at ang buong Philippine National Police ay dapat managot sa kanilang ginagawang pagyurak sa karapatan at dignidad ng mga detenido. Ang mga paglabag na ito ay hindi maaaring palampasin at nararapat na panagutin sa harap ng taumbayan at batas,” dagdag ng grupo.

Muling nanawagan ang Karapatan-NCR at iba pang grupo sa karapatang-tao na agad nang palayain ang lahat ng mga inaresto sa mga protesta noong Setyembre 21 sa Maynila. Higit isang linggo nang nakakulong ang naiwan pang mga kabataan at raliyistang pinagdadampot ng mga pulis.

Nasa higit 216 ang kabuuang bilang ng mga inaresto kung saan nananatiling higit 100 pa rin nag nakadetine. Sinampahan sila ng patung-patong na mga kaso.

Source link