PRWC » Sulong rebolusyonaryong guro: Magwasto! Magpalawak! Makibaka! Magtagumpay!

Matagumpay na nagdaos ang Katipunan ng mga Gurong Makabayan (KAGUMA) ng kanilang ikaapat na Pambansang Kongreso nitong Oktubre. Pitumpu’t siyam na kinatawan mula sa iba’t ibang rehiyon, akademikong institusyon at unibersidad sa sektor ng edukasyon ang dumalo sa nasabing kongreso. Ang ikaapat na kongreso ng KAGUMA ay may temang “Sulong rebolusyonaryong kilusang guro! Magwasto! Magpalawak! Makibaka! Magtagumpay! Buong kakayahang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba!” bilang tugon sa hamon ng muling pagpapalakas ng rebolusyonaryong organisasyon.

“Sa diwa ng inilulunsad na Ikatlong Kilusang Pagwawasto ng Partido Komunista ng Pilipinas, marapat lamang ilunsad ng KAGUMA sa hanay nito ang puspusang pagwawasto. Muling ibangon ang KAGUMA, mapangahas na magpalawak at magpalakas sa buong bansa. Puspusang isulong ang mga komprehensibong tungkulin para sa rebolusyon,” ayon sa Pambansang Kalihiman sa ulat nito sa pagsisimula ng kapulungan. Nilaman ng ulat ng pambansang kalihiman ang pagsusuma ng KAGUMA sa sariling organisasyon sa nakalipas na dalawang dekada. Tampok dito ang mapagkumbabang pagpupuna sa sarili sa pagbitiw sa batayang prinsipyo ng rebolusyonaryong organisasyon at ang mga pamamaraan na isinagawa nitong mga nakalipas na mga taon upang iwasto ang mga ito.

Aktibong nilahukan ng mga delegado ang ratipikasyon ng Oryentasyon at Saligang Batas ng KAGUMA. Naghalal din ang kongreso ng bagong Pambansang Konseho at Pambansang Komiteng Tagapagpaganap (PKT) na tatayong pamunuan ng organisasyon sa buong bansa. Nahalal si Guia Umili bilang tagapangulo at tagapagsalita ng KAGUMA.

Sa proseso ng talakayan sa kongreso, nakapagbahagi ang mga delegado ng kanilang mga kalagayan at nakapagsangguni ng mga kagyat nilang mga usapin. Ang mga ito, kasama ang partikular na mga layunin ng organisasyon, ay sinalamin sa binuong anim na resolusyon ng kongreso.

Inaprubahan ng kongreso ang tatlong taong plano ng rebolusyonaryong organisasyon. Ang mga mayor na laman nito ay komprehensibong pagpapaunlad at pagpapasigla ng mga gawain ng rebolusyonaryong kilusang guro; ang ubos-kayang paglalantad, paghihiwalay at pagpapabagsak sa Rehimeng US-Marcos II; at ang aktibong paglahok sa iba’t ibang anyo ng pakikibaka para isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan na may sosyalisyang perspektiba.

Natapos ang matagumpay na ikaapat na kongreso ng KAGUMA sa pamamagitan ng lahatang panunumpa ng mga kasapi at mga bagong halal na pamunuan na sinundan ng pangwakas na pananalita ng tagapangulo. “Nawa’y patuloy na lumakas ang ugnayan ng ating rebolusyonaryong teorya at praktika; nawa’y ang mga dokumento’t mga pag-aaral ay hindi maging tigil na kaalamang nakaimbak lamang sa ating mga isipan kundi maging gabay sa pagpapaunlad ng ating pagkilos; at ang ating pagkilos nama’y itulak tungo sa mas mataas na antas ang ating rebolusyonaryong teorya,” ayon kay Guia Umili.

Sa huli, mataas ang diwang kinanta ng mga delegado ang Internasyunal.

Source link