Kinundena ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command) ang sadyang pagpaslang ng 1st IB at 203rd IBde sa isang hors de combat na Pulang mandirigma noong Agosto 7. Nadakip ng mga berdugong sundalo si Ising Domingo (Ka Mutya) sa Barangay Happy Valley, Roxas, Oriental Mindoro, tinortyur at sadyang pinaslang.
Sa ulat ng BHB-Mindoro, hindi armado at nag-iisa si Ka Mutya nang mahuli ng 1st IB ng ala-1 ng hapon sa araw na iyon. Nag-iigib siya noon ng tubig habang nakapakat ang kanyang yunit sa kanilang gawaing pagsisiyasat sa kalagayan ng mga magsasaka sa baryo.
Ipinailalim si Ka Mutya sa matinding tortyur at matapos hindi makumbinsing magbigay ng impormasyon at makipagtulungan sa kanila, pinaslang siya ng mga sundalo. Ganti rin ito ng 1st IB matapos paulanan sila ng bala ni Jomari Palomar (Ka Jonnel), ka yunit ni Ka Mutya na naghanap sa kanya at namataan ang mga sundalo. Namartir sa pakikipaglaban si Ka Jonnel.
Alinsunod sa mga tuntunin ng internasyunal na makataong batas, lubhang paglabag ang pagtorytur at pagpatay ng 1st IB kay Ka Mutya. Tungkulin ng mga sundalo bilang katunggaling armadong pwersang nakahuli kay Ka Mutya na tiyakin ang kaligtasan ng bihag na nasa kanila nang pangangalaga.
“May tuwirang pananagutan dito ang mga kumander ng 1st IB, 203rd IBde at commander-in-chief ng AFP na si Ferdinand Marcos Jr. Marapat na mailantad at batikusin si Marcos Jr at ang buong AFP sa pagpapatupad ng patakarang “take no prisoners” (“huwag nang mambihag”) sa madugong gera nila laban sa rebolusyon at sambayanang Pilipino,” pahayag ni Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng BHB-Mindoro.
Dagdag pa ng tagapagsalita, higit nitong inilalantad ang sagad sa pagiging pasista at kabulukan ng Armed Forces of the Philippines. “Lalo nitong napapatunayan ang katwiran at kawastuhan ng pag-aarmas laban sa mga reaksyunaryong gubyerno upang magtanggol laban sa pang-aapi nito, ng pagsusulong ng armadong rebolusyon para makamit ang tunay na katarungan at kapayapaan,” aniya.
Kaugnay ng mga naitalang paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas, naglunsad ng independyenteng fact-finding mission ang grupong Karapatan-Southern Tagalog sa bayan ng Roxas. Mula Agosto 9, dumanas ng panggigipit mula sa mga pwersa ng estado ang tim ng Karapatan na nagtungo sa bayan ng Roxas.
Hinaras ng mga sundalo ang tahimik na protesta at piket ng tim sa harap ng punerarya kung saan nakalagak ang bangkay ng mga napaslang. Kasunod nito, naitala ng grupo ang pagnanakaw at pagtatakbo ng mga sundalo ng 203rd IBde sa mga bangkay nina Ka Jonnel at Ka Mutya sa kalagitnaan ng gabi.
“Panawagan namin ang agaran at malayang imbestigasyon sa operasyong militar noong Agosto 7, ang labag sa batas na pag-alis ng mga labi ng mga biktima, at ang sistematikong pananakot sa tim na nagsasagawa ng fact-finding mission. Nanawagan kami para sa pagpapalayas ng mga pwersang militar mula sa mga komunidad ng sibilyan, ang pagpapanumbalik sa sibilyang awtoridad, at agarang proteksyon para sa mga Mangyan at lahat ng mga bulnerableng sektor sa Roxas,” pahayag ni Ida Palo, paralegal ng Karapatan-Southern Tagalog.
Samantala, pinarangalan ng BHB-Mindoro ang pagkamartir ng dalawa nilang mandirigma. “Pulang saludo at pinakamataas na pagpupugay ang ibinibigay ng BHB-Mindoro…mabubuting anak ng bayan, mga Pulang mandirigma at tunay na hukbo ng uring magsasaka, bayani ng mamamayang Mindoreño at lahat ng masang aping Pilipino,” ayon kay Ka Madaay.
Si Ka Mutya, 30 taong gulang, ay isang bagong pultaym na mandirigma mula sa hanay ng mga katutubong Mangyan-Hanunuo sa Barangay Paclolo, Magsaysay, Occidental Mindoro. Ayon sa BHB-Mindoro, dumanas ng panggigipit si Ka Mutya para sapilitan at iligal siyang “pasukuin.” Ginawa siyang utusan ng mga pasista, pinagtrabaho siya sa palaisdaan nang walang sahod sa loob ng isang buwan at maya’t mayang binubugbog. Gumampan si Ka Mutya bilang upisyal sa lohistika ng iskwad na kinabibilangan at naging malaking katuwang sa pag-sarbey at pag-aaral ng tereyn at mga eryang kabisado niya.
Nagmula sa pamilya ng maralitang magsasaka ang 26-taong gulang na si Ka Jonnel na mula sa Visayas. Bilang Pulang mandirigma, katangian ni Ka Jonnel ang pagtanggap nang walang pag-aatubili sa anumang atas at gawain. Gumampan siya ng susing mga tungkulin sa gawaing ekspansyon, laluna sa pag-ugnay sa mga bago at nirereaktibang masa, pagtuklas ng bagong mga ruta at himpilan at pag-konsolida sa baseng masa sa panahong sumasagipsip ang psywar ng kaaway. Dahil dito, inabot ni Ka Jonnel ang antas bilang kadreng panlarangan sa Partido at may kakayahang magdala ng iskwad.
“Hamon at inspirasyon, laluna sa mga kabataang magsasaka at katutubo, ang pagkamartir nila Ka Jonnel at Ka Mutya. Pinatutunayan ng kanilang buhay at pakikibaka na sadyang ang lugar ng masang anakpawis—laluna ng mga magsasaka at katutubo na silang pinakaapi sa isang malakolonyal at malapyudal na lipunan—ay ang demokratikong rebolusyong bayan,” ayon kay Ka Madaay.











