Ang Bayan Ngayon » Sobrang taas at maanomalyang singil ng Meralco, kinundena

Nagtipon ang iba’t ibang progresibong grupo sa harap ng Meralco Main Office sa Ortigas sa Pasig City noong Hulyo 20 para kundenahin ang patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente na lubhang nagpapahirap sa mamamayan. Panawagan nila na papanagutin ang kumpanya sa walang habas na pagtaas ng singil para tumabo ng bilyun-bilyong kita.

Nitong Hunyo, pumalo sa ₱14 hanggang ₱16 kada kilowatt-hour (kWh) ang singil ng Meralco sa mga residensyal na kabahayan. Mula noong Enero, umakyat nang halos ₱2 hanggang ₱3 ang singil ng kumpanya kada kWh. Lalong nagalit ang publiko matapos ihayag ni Meralco Chief Executive Officer Manuel V. Pangilinan na inaasahang lalagpas sa ₱50 bilyon ang kikitain ng kumpanya ngayong 2026. Ayon sa mga raliyista, patunay ang pagsirit ng kita ng kumpanya sa garapalang pagsasamantala nito habang sadlak ang mga pamilyang Pilipino sa kahirapan.

Binigyang-diin ng mga grupo na ang ugat ng krisis ay ang kontrol ng Meralco bilang nag-iisang dambuhalang monopolyo sa distribusyon ng kuryente sa Metro Manila at mga karatig prubinsya. Kinundena rin nila ang tinatawag na “dual ownership” o sabay na pagmamay-ari nito ng mga planta ng kuryente (power generation) at ng nag-iisang linya ng distribusyon. Dahil dito, nagagawa ng kumpanya na bumili ng kuryente mula sa sarili nitong mga plantang gumagamit ng mahal na imported na krudo at petrolyo, na kalaunan ay ipinapasa rin bilang dagdag singil sa mga ordinaryong konsyumer.

Bukod sa mataas na taripa, inirereklamo ng mga konsyumer ng Metro Manila ang laganap na kaso ng mga “misreading” o maling pagbasa sa mga metro ng kuryente. Nagugulat na lamang ang mga konsyumer sa biglaang pagdoble o pagtriple ng buwanan nilang bayarin nang walang batayan at paliwanag. Lalo silang nagalit sa naging tugon ng pamunuan ng Meralco na nagsabing bayaran pa rin nila ang kanilang bill kahit kwestyunable ang nakasaad dito na konsumo. Pinamamalas lamang ng ganitong mga pahayag ang tahasang pambabalewala ng kumpanya sa karapatan ng mga konsyumer, anang mga grupo.

Source link