Sisingilin ng mamamayan si Marcos sa Setyembre 21—Bayan

Magmamartsa ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at lahat ng mga organisasyon sa ilalim nito patungo sa Malacañang sa Setyembre 21 para batikusin ang korap, papet at pasistang rehimeng Marcos. Ilulunsad nila ang martsa mula sa Luneta Park pagkatapos ng malaking demonstrasyon na pangungunahan ng TAMA NA (Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance) laban sa katiwalian at korapsyon.

Ayon sa Bayan, marapat lamang na magtapos ang araw ng protesta sa Setyembre 21 sa Malacañang na tinawag nitong “ground zero” ng korapsyon at kawalang pananagutan sa bansa. “Para manawagan ng pananagutan at hustisya, at para tuligsain ang anti-Pilipino at anti-mahirap na pamumuno ni Marcos Jr,” pahayag ng grupo.

Itinuturo ng grupo si Marcos Jr bilang pangunahing benepisyaryo at commander-in-thief (kumander sa pagnanakaw) ng korap na pampulitikang sistema. “Si Marcos Jr ang naghanda at pumirma sa batbat-ng-korapsyon na pambansang badyet, nagpahintulot sa mga pork barrel insertion, nagpatupad ng maanomalyang mga proyekto sa flood control, at humarang sa panawagan ng mamamayang imbestigahan ang maanomalya niyang paggamit sa confidential and intelligence funds,” ayon sa grupo.

Noong nakaraang linggo, nauna nang binatikos ng Bayan ang pakana ni Marcos na bihisan ang sarili bilang “kontra-korapsyon” para buhusan ng malamig na tubig ang pag-aalsa ng mamamayang Pilipino. Liban dito, tinuligsa ng grupo ang iba pang mapanlinlang na hakbang ni Marcos gaya ng pagbubuo ng “independyenteng komisyon,” balasahan ng pusisyon sa gubyerno, at iba pa.

Dagdag pa ng grupo, walang katotohanan ang sinasabi ni Marcos na kaiba siya sa korap at pasistang rehimeng Duterte. Patunay umano dito ang pagpapalawig ng rehimeng Marcos sa mandato ng National Task Force-Elcac, habang ang kanyang National Action Plan for Unity, Peace, and Development ay balangkas ng higit pang pinatinding panunupil, militarisasyon at atake sa mga komunidad sa kanayunan at mga maralitang komunidad. Anila, parehong dapat managot ang mga Marcos at Duterte.

“Sa nagdaang tatlong taon, pinatunayan rin ng administrasyong Marcos ang pagpapakatuta nito sa imperyalismong US sa pagpapalawak sa mga pasilidad militar ng US at ang pinalawig pang dayuhang pandarambong sa ating patrimonya at pagsasamantala sa ating mga manggagawa,” ayon sa grupo.

Giit ng Bayan, dapat panagutin si Marcos sa kanyang mga krimen sa sambayanang Pilipino at maipapahayag ito sa protesta sa Mendiola. Paalala rin umano ang pagkilos sa Setyembre 21 ng pandarambong at panunupil ng diktadurang US-Marcos na nagsadlak sa hirap sa bansa.

Source link