Sibilyang komunidad ng Capiz, ginambala ng pambobomba, panganganyon at istraping ng AFP

Ginambala ng malalakas na bomba, kanyon, at pang-iistraping ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang katahimikan at oras ng pahinga ng mga residente ng Tapaz, Capiz noong alas-2:30 ng madaling araw ng Agosto 22. Nagdulot ito ng matinding ligalig at nagtulak sa ilang pamilya na sapilitang lumikas mula sa kanilang komunidad.

Kinundena ng Panay Alliance Karapatan ang karahasang militar sa sibilyang komunidad at tinawag nitong “matinding paglabag sa internasyunal na makataong batas (IHL o international humanitarian law).” Alinsunod sa IHL, ipinagbabawal ang walang patumanggang paggamit ng napakalalakas na pwersa at pag-atake na nagsasapanganib sa sibilyang populasyon.

Binigyang katwiran ng 301st IBde ang teroristang pag-atake sa mga komunidad sa pagpapahayag na mayroong “mayor na engkwentro” na naganap sa pagitan ng yunit nito at Bagong Hukbong Bayna (BHB) sa hangganan ng mga barangay ng Artuz, Tabon, at Agpalali sa Tapaz. Matatandaang ipinahayag ni Ferdinand Marcos Jr sa kanyang ika-apat na SONA noong Hulyo na “wala nang grupong gerilya” sa bansa.

Sa ulat ng mga residente, nakarinig sila ng mga drone at helikopter na nagpaikot-ikot noong madaling araw ng Agosto 22. Sinundan ito ng nakayayanig na mga pagsabog, anila.

“Nagdudulot ito ng takot, nagpapalayas at nagsasapanganib sa mga sibilyan, kabilang ang mga magsasaka at katutubong komunidad ng mga Tumandok na malaon nang bulnerable,” ayon sa Panay Alliance Karapatan.

Nanawagan ang grupo sa rehimeng US-Marcos at upisyal militar na kaagad itigil ang pambobomba, pagkubkob at militarisasyon sa Tapaz at iba pang mga komunidad sa kanayunan ng Panay. “Giit din namin ang independyenteng imbestigasyon at pananagutan sa mga sangkot na yunit militar sa walang patumanggang pag-atake,” pahayag ng grupo.

Anito, dapat tumalima sa IHL ang gubyerno at armadong pwersa nito, laluna ang pagprotekta sa mga sibilyan sa panahon ng armadong tunggalian, at iatras ang pwersang militar mula sa sibilyang mga komunidad para matiyak ang kanilang kaligtasan. Pinuna ng grupo ang palamuting pagtalima ng rehimeng Marcos sa buwan ng IHL ngayong Agosto sa harap ng mga pambobomba, panganganyon at pag-atake nito sa sibilyang populasyon.

Nakiisa rin sa pagkundena sa terorismong militar ang Anakbayan Panay. Hinimok nila ang mga kapwa kabataan at mamamayan na tumindig at labanan ang pambobomba at militarisasyon sa kanayunan.

Source link