PRWC » Pulang saludo at pagpupugay kay Jordan “Ka Moy” Mopon, isang magiting na Pulang kumander ng NPA, dangal ng lalawigan ng Rizal at Timog Katagalugan!

Pinakamatikas na Pulang saludo at taas-kamaong pagpupugay ang iginagawad ng Komiteng Rehiyon ng Partido at Panrehiyong Kumand ng NPA sa Timog Katagalugan kay Jordan Mopon, mas kilala sa mga pangalang Boyong, Sy, JT, Moy, RF, Ilas, isang batikang Pulang kumander ng NPA at kadre ng Partido sa lalawigan ng Rizal at buong rehiyon. Nabuwal siya habang magiting na lumalaban sa pasistang tropa ng 73rd DRC, 703rd Infantry Brigade nitong Oktubre 17 sa Sityo Balagbag, Barangay San Mateo, Norzagaray, Bulacan. Si Ka Moy, 40 taong gulang, ay kagawad ng Komiteng Rehiyon ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Timog Katagalugan at kagawad ng Regional Operational Command ng New People’s Army. Pangalawang Kalihim sya ng komite ng Partido sa teatrong gerilya sa hangganang Rizal-Laguna-North Quezon at tumatayong Punong Kumander ng subrehiyunal na kumand sa operasyon nito.

Tubong Antipolo City, Rizal, nagmula sa isang pamilyang magsasaka si Ka Moy. Tenante sa ilang parsela ng lupa ang kanyang ama at ang pagbubungkal nito ang pangunahing ikinabuhay ng kanilang pamilya. Responsableng anak na masipag sa bukid at maaasahan ng kanyang mga magulang at kapatid si Ka Moy. Pangatlo sya sa anim na magkakapatid at pagkagradweyt ng elementarya ay naging pangunahing katuwang na ng kanyang mga magulang sa pagsasaka at pagbubugta ng kanilang palayan. Bata pa lamang, kakikitaan na siya ng liderato hindi lang sa kanyang pamilya kundi maging sa kanilang lugar kaya naman nahalal sya at naging kagawad ng Sangguniang Kabataan sa kanyang panahon.

Maagap siyang namulat sa bulok na sistema at nakita ang pagiging makatarungan ng rebolusyon. Bilang isang kabataang magsasaka, napaloob siya sa grupong pang-organisa at buong-panahong kumilos dito sa edad na 16. Sumampa sya sa NPA pagsapit niya ng 18 noong 2003 sa isang yunit ng Narciso Antazo-Aramil Commmand-NPA Rizal. Mula sa pagiging mandirigma, naitalaga siya bilang S4 at opisyal ng kanilang iskwad. Wala siyang tanggi sa atas at wala ring sinusukuang gawain. Ang katwiran niya, basta’t kaya niya ay sisikapin niyang isakatuparan ang mga atas at planong ibinibigay sa kanya ng Partido at Hukbo. Kalaunan ay umangat siya bilang sinasanay na opisyal sa platun at naitalagang lumahok sa mga taktikal na opensiba sa loob at labas ng kanilang teatrong gerilya. Minsan siyang nanlamig sa pagkilos pero hindi nagtagal ay muli siyang bumalik sa agos ng pakikibaka at tuluy-tuloy nang kumilos sa NPA hanggang sa kanyang pagkamartir.

Isang magsasakang intelektwal si Ka Moy, katangi-tangi ang kanyang kasipagan sa pag-aaral at pagsasanay na dahilan para mabilis siyang mahasa at mapanday bilang isang mahusay na rebolusyonaryo. Matiyaga siyang magbasa ng mga sulating militar nina Mao, Zhu De at Giap, na lagi niyang ipinagmamalaking paulit-ulit niyang binabasa kapag sa tingin niya ay “kinakalawang” na sya. Dahil dito, mataas ang kanyang pagpapahalaga sa pagtataas ng kamulatang pampulitika ng Hukbo, laluna ang mga nagmula sa uring magsasaka at katutubo. Katuwang ang kanyang mga opisyal sa pulitika, pinangunahan niya ang mga balitaan at pampulitikang aktibidad sa kanyang yunit, kapwa internal at sa masa. Malapit sya sa mga kasama at masa at sinisikap niyang palaging alamin ang kalagayan nila. Tampok na katangian ni Ka Moy ang pagiging maalalahanin at mapagbigay ng atensyon sa pangangailangan at kagalingan ng kanyang mga kakolektibo at pinamumunuan.

Tatak ni Ka Moy ang tapang at kapangahasang pamunuan ang mga taktikal na opensibang ipinutok sa Rizal mula 2012. Tinik sya sa lalamunan ng mga yunit ng 2nd IDPA na nakatalaga sa Sierra Madre kaya naman matindi ang galit ng mga ito sa kanya. Pero hindi kailanman naging mapagmataas o mayabang si Ka Moy. Matiyaga siyang magsanay at magbahagi ng kanyang nalalaman sa mga Pulang mandirigma para pandayin sila bilang mahuhusay na rebolusyonaryo. Kapag kinakapos siya, isinasangguni niya ito sa mga sa kolektibo, maging sa kanyang kalihim. Masinsin siya sa arawang gawain para sanayin sa rehimentadong pagkilos ang kanyang yunit. Kasabay nito ang palagiang pagtitiyak na nasa mabuting kondisyon ang mga sandata ng yunit mula sa baril, magasin, command detonated explosives, bala at amopots. Matiyaga niyang tinuturuan ang mga kasama sa tamang paraan ng pangangalaga sa sandata dahil palagi niyang paalala “yan ang magliligtas sa atin sa panahon ng labanan at kagipitan”.

Komprehensibo ang kakayahan ni Ka Moy bilang kadre ng Partido, hindi lamang sa gawaing militar kundi maging sa gawaing masa. Kahit mababang antas ng inabot sa burges na paaralan, kinakaya at nagtitiyaga siyang mag-aral ng mga sulatin ng Partido at MLM at nagsisikap na maibahagi at maituro ito sa mga kasama at masa. Bilang isang lokal na kadre, matalas siya sa pagsusuri sa kalagayan ng kanilang erya, sa sitwasyong militar, masa at iba pa. May liderato siya sa tropa at kinikilala ng mga kasama bilang kanilang pinuno at gabay. Iginagalang din siya ng mga masa at alyado. Aktibo sya sa mga pulong ng komite hanggang sa pagpapatupad ng plano nito at sa arawang latag ng gawain ng platun. Kritikal din sya sa pagtukoy sa mga pagbara at pagbagal sa pag-usad ng arawang gawain.

Larawan siya ng matapat na pagpupuna-sa-sarili at pagpapanibagong-hubog. Kahit na pumailalim sa aksyong pandisiplina, marubdob niya itong tinanggap at pumailalim sa pasya ng Partido at Hukbo at nagpamalas ng eksepsyunal na pagwawasto at muling nakabalik at umakyat sa namumunong komite at kumand sa kanilang teritoryo. Mapangahas rin niyang pinamunuan ang mga pagsisikap para muling mabalikan ang mga eryang naiwan sa Rizal—laluna iyong mga eryang sinalanta ng matinding militarisasyon sa nagdaang mga taon at dekada.

Isa siyang mapagmahal na anak sa kanyang mga magulang at kapatid, ganundin sa kanyang asawa at mga anak. Sa tuwing may pagkakataon, sinisikap niyang ipaunawa sa mga ito ang kadakilaan at kawastuhan ng buhay at landas na kanyang pinili, na itinuturing niyang pinakamataas na paraan para ipakita ang pagmamahal at pagmamalasakit sa kanila. Palagi niyang ikinukwento sa mga kasama ang kanyang mga anak at hinahangad na pagdating ng panahon ay munawaan at matanggap ng mga kapamilya ang kanyang piniling buhay at propesyon.

Sa nagdaang mga taon, sinubok ang kanyang paninindigan at katatagan nang konsentradong targetin ng kaaway na linlangin ang kanyang pamilya. Pakitang taong sinuhulan ang kanyang pamilya kasabay ng mga mapanlinlang na pangako ng “maganda at tahimik na buhay” para lamang pasukuin siya. Ngunit sa huli, napagtanto niyang bahagi ito ng nagpapatuloy na hamon na kailangang harapin at pangibabawan ng bawat rebolusyonaryo. Itinakwil niya ang kaisipang pagsuko at pag-iwan sa rebolusyon at sa masa, laluna sa mga panahong kailangang-kailangang tumindig, magpakatatag at magpatuloy para pamunuan ang muling pagbawi at muling pagsulong.

Hanggang sa kanyang huling hininga, pinatunayan niya ang kanyang katapatan sa dakilang rebolusyonaryong simulaing niyakap, inangkin at pinaglaanan niya ng kanyang galing, talino, pawis at dugo. Sa kanyang pagkabuwal, aalingawngaw ang sigaw ng masang magsasaka, setler, katutubong Dumagat at Remontado at lahat ng mamamayan para sa katarungan. Isa siyang huwarang magsasakang Rizaleño at dangal ng buong rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ng Timog Katagalugan! Dapat siyang tularan ng lahat ng kabataang magsasaka at mamamayang biktima ng bulok at mapang-aping sistema ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Tiyak ang kabiguan ng kaaway sa pag-aakalang matitigil ang armadong paglaban ng aping mamamayan ng Rizal at rehiyong TK matapos na mabuwal si Ka Moy. Sa kanyang pagkamartir, higit na mas marami ang tatahak sa kanyang landas at dadampot sa baril na kanyang nabitawan.

Dakilain ang alaala ni Ka Moy!
Isulong ang armadong pakikibaka at matagalang digmang bayan!
Digmang bayan, sagot sa kurapsyon at wawasak sa burukrata-kapitalismo!
Mabuhay ang CPP!
Mabuhay ang NPA!
Mabuhay ang NDFP!
Mabuhay ang sambayanang lumalaban!

Source link