Protestang Tignay Ilocandia Kontra Korapsyon, inilunsad sa Ilocos

Tagumpay na nailunsad ang mga protesta ng Tignay Ilocandia Kontra Korapsyon bilang bahagi ng pambansang protestang bayan laban sa korapsyon at paggunita sa ika-53 anibersaryo ng Martial Law sa La Union, Ilocos Sur at Laoag City noong Setyembre 21. Nilahukan ito ng halos 2,000 na kabataan-estudyante, magsasaka, mangingisda, pambansang minorya, kababaihan, taong-simbahan, tagapagtanggol ng kalikasan, guro at mga negosyante.

Pinangunahan ang pagkilos ng mga progresibong grupo kabilang ang La Union Peace and Justice Advocates, Defend Ilocos Sur, Kaammoyo ti Kappia, Ilocos Human Rights Alliance, Solidarity of Peasants Against Exploitation, Kabataan Partylist, Anakbayan at Gabriela. Hindi natinag ang mga grupo ng panggigipit at tangkang pagdiskaril ng Philippine National Police.

Sa mga inilunsad na magkakahiwalay na rali, ibinunyag at kinundena ng mga grupo ang paghihirap na nararanasan ng mamamayan ng Ilocos sa mga pagbaha dulot ng mga katiwalian sa mga flood control project at bulok na drainage system dulot ng talamak na kapabayaan ng gubyerno sa maraming bayan at komunidad sa rehiyon. Pinatampok ng mga nagprotesta ang kwestyonableng dredging ng Isla Verde Mining and Development Corporation sa bukana ng Abra River, na pinalalabas na flood control project subalit nagpapalala lamang sa pagbaha sa mga komunidad ng mga bayan ng Caoayan at Santa at Vigan City.

Ibinunyag ng grupong tanggol-kalikasan na Defend Ilocos Sur na hindi ito para sa flood control dahil hindi sinusunod ng kumpanya ang binabanggit ng mga eksperto na sa ilog dapat maghukay, at hindi sa dagat. Simula pa lamang, pinagdududahan na ng mga residente na ang dredging ay para sa black sand mining.

Sa mga protesta, muli ring pinatampok ng mga magsasaka ang pagsisiwalat at pagkundena sa sistematikong korapsyon sa pondo mula sa excise tax sa tabako na dapat sana’y napupunta sa subsidyo at serbisyo sa produksyon ng tabako, subalit kinokontrol ng mga matataas na upisyal ng LGU at ginagastos nila sa mga proyektong pampabango at pambili nila ng boto.

Mataas na mataas naman ang militansya ng kabataan-estudyante ng Ilocos sa pagkundena sa talamak na pagnanakaw sa pondo ng bayan habang patuloy na kinakaltasan ang badyet para sa edukasyon, kabilang ang mga state universities and colleg (SUC) ng Ilocos. Sa nasabing kilos-protesta, ipinagsigawan nila na si Marcos ang hari ng mga kurakot. Nanawagan sila na panagutin ang mga tiwali, baguhin ang sistema, buwagin ang kultura ng kasakiman at palitan ng pamahalaang tunay na nagsisilbi sa bayan.

Sa Laoag City, Ilocos Norte na probinsya ng mga Marcos, ipinagsigawan ng mga raliyista ang “Marcos magnanakaw!” at “Marcos diktador, tuta, pasista!” habang nagmamartsa sa sentro ng syudad hanggang sa harap ng kapitolyo ng prubinsya kung saan nila idinaos ang rali. Ipinaala nila na isinagawa ng pasistang Marcos Sr sa prubinsya ang mga kahindik-hindik na paglabag sa karapatang-tao kabilang ang masaker sa bayan ng Bangui, mga pagsalbeyds, pagdukot at marami pang karahasan noong panahon ng Martial Law.

Kinundena ng Kaammoyo ti Kappia ang nagpapatuloy at lalo pang tumitinding paglabag sa karapatang-tao sa kasalukuyang panunungkulan ni Ferdinand Marcos Jr, kung saan silang mga taong-simbahan na nagtataguyod ng karapatang-tao ay pinupuruhan ng harassment at panggigipit ng mga ahente ng estado.

Bago pa ang Setyembre 21, isinasailalim na sa sarbeylans at panggigipit ng mga ahente ng NICA at CIDG ang mga pari ng Iglesia Filipina Independiente na aktibo sa kampanya sa pagtatanggol sa kalikasan at karapatang-tao na sina Fr. Randy Manicap at Fr. Arvin Mangrubang. Binisita rin at tinakot ng PNP si Teresita Talibuguen, isang magsasaka sa Barangay Maradodon, Cabugao, Ilocos Sur na nanguna sa pagkilos ng magsasaka upang idulog sa Tobacco Pre-Tripartite Conference ang pagpapataas sa presyo ng tabako.

Hindi nagpatinag at nagpursigi ang kilos-protesta sa kabila ng pagbabanta, panggigipit sa mga organisador nito at pagmamaniobra ng PNP at mga ahente ng intelligence upang hadlangan ang aktibidad.

Sa Laoag City, nabigyan ng permit ang mga raliyista na idadaos ang nasabing aktibidad sa Aurora Park, subalit sa araw ng rali ay nauna nang inokupa ng mga tropa ng PNP ang parke at nagdaos sila ng konsiyerto doon upang agawin ang atensyon ng maraming masa at guluhin ang protesta. Sa kabila nito, naipahayag nila ang kanilang mga hinaing at panawagan sa pagkober ng maraming midya sa aktibidad.

Bago pa nito, kinundena ng La Union Peace and Justice Alliance ang pagbabanta ng PNP sa kanilang grupo sa isasagawang kilos protesta at sa pagwawasiwas ng kapulisan ng patakarang “no permit, no rally.” Pahayag nila, sa kanilang karanasan, binibigyan man sila ng permit ay doon sa mga lugar sila pinapapunta kung saan wala namang tao na nakakarinig sa kanila. Anila, “sa ganyang pagbabanta ay pinapatunayan lamang ng PNP na sila ay protektor ng mga kurakot.” Hinamon nila ang PNP na sumama sa protesta upang ipakita na sila ay kontra sa korapsyon at hindi protektor nito.

Sa araw din ng Setyembre 21, habang nasa rali ay kinuhaan ng larawan ng dalawang pulis ang bahay ni Edgar Estavillo, isang lider magsasaka ng Ilocos Norte. Si Estavillo ay tuluy-tuloy na ginigipit ng militar at pulis.

Sa mga panggigipit na ito, nanindigan ang mga progresibong grupo na nagbigkis sa Tignay Ilocandia Laban sa Korapsyon na ipagpapatuloy ang laban at mahigpit na makikiisa sa pambansang kilusan upang panagutin ang rehimeng Marcos sa talamak na katiwalian sa bansa.

Source link