Protesta kontra-SONA ni Marcos, pinangunahan ng mga grupong pambansa-demokratiko sa buong bansa

Libu-libong mga Pilipino ang nagtungo sa lansangan noong Hulyo 28 sa Metro Manila at mga prubinsya para ilantad ang tunay na kalagayan ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng nagdaang tatlong taon ng rehimeng Marcos. Ang demonstrasyon, na taunang inilulunsad bilang pantapat sa state of the nation address (SONA) ng nakaupong presidente, ay tinagurian ngayong taon bilang “SONA ng Paniningil.”

Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), nagbuklod ang iba’t ibang mga sektor at alyadong grupo sa martsa sa Commonwealth Avenue, Quezon City patungo sa House of Representatives sa Batasan Hills. Pinigilan ng libu-libong pulis ang martsa kaya natulak ang mga grupo na maglunsad ng programa ilang kilometro pa ang layo sa Batasan Hills.

“Ang SONA ng Paniningil ang lehitimo at demokratikong tugon ng bayan sa pagsasamantala at pang-aapi na ipinapatupad ng rehimeng US-Marcos,” pahayag ng Bayan. Paliwanag pa ng grupo, magsisilbi itong opening salvo sa magpapatuloy na serye ng mga protestang masa para singilin sa pananagutan si Marcos (#MarcosSingilin), habang itinutulak ang pagpapatalsik kay Sara Duterte bilang bise presidente at ang pagpapanagot kay Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (#DutertePanagutin.)

Anang grupo, “sa pamamagitan ng kolektibong pagkilos ng mamamayan—at hindi pagsalalay sa isang pampulitikang sistema na bulok sa kaibuturan—maigigiit natin ang ating mga demokratikong karapatan, lalaban para sa pambansa at panlipunang paglaya at magwawagi sa kabila ng lumalalang krisis ng naghaharing sistema.”

Pangunahing itinampok sa demonstrasyon ang kainutilan ng rehimen na tugunan ang pangangailangan ng mamamayang Pilipino sa harap ng sunud-sunod na bagyo at hanging habagat na nagdulot ng matinding pag-ulan at pagbaha. Hindi na naisasaayos ang mga proyektong tutugon sa pagbaha, inuuna pa ang mapangwasak na pagkukwari, dredging, pagmimina at mga proyektong reklamasyon ng malalaking negosyo ng mga burukrata-kapitalista, anito.

Nagpahayag rin ang mga grupo ng pagkadismaya sa desisyon ng Korte Suprema kamakailan na nagdiskaril sa paglilitis sa kasong impeachment laban sa bise presidente na si Sara Duterte. “Higit na pinagtibay ng desisyon ng Korte Surpema ang kawalang pananagutan para sa malalaking katiwalian sa gubyerno. Ngayon, halos imposible nang panagutin ang mga tiwali at abusadong upisyal na pwedeng i-impeach tulad ng presidente, bise presidente, at mga mahistrado mismo ng Korte Suprema,” pahayag ng Bayan.

Itnampok rin sa pagkilos ang higit pang konsolidasyon ng kapangyarihang pampulitika ng rehimeng Marcos sa pamamagitan ng pagsusunud-sunuran sa dikta ng imperyalismong US sa ekonomya, patakarag panlabas at pambansang seguridad. Binatikos rin nila ang nagpapatuloy na mga mapanupil na patakaran tulad ng Anti-Terrorism Law, ang National Task Force-Elcac, at maging ang “gera sa droga” ng dating rehimeng Duterte.

“Ang burukratikong katiwalian at kronyismo, terorismo ng estado, pagpapakatuta sa imperyalismong US, at simpleng masamang pamamahala ay nagdulot ng hindi matitiis na paghihirap at pasakit para sa ating mga mamamayan,” ayon sa Bayan.

Lumahok sa protesta ang iba’t ibang mga sektor sa pangunguna ng mga organisasyong masa kabilang ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Pamalakaya, Kilusang Mayo Uno (KMU), Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), Gabriela, Karapatan, Kalikasan People’s Network for the Environment, Anakbayan at League of Filipino Students, Alliance of Concerned Teachers (ACT), Alliance of Health Workers (AHW), Courage, Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas, Promotion of Church People’s Response (PCPR) at iba pa. Itinampok nila ang iba’t ibang isyu ng kanilang sektor kabilang ang malawakang kawalan ng lupa, mababang presyo ng palay, mababang sahod at sweldo, kawalan ng maayos na serbisyong panlipunan, at matitinding paglabag sa karapatang-tao.

Liban sa kanila, lumahok rin ang mga pambansa-demokratikong grupo mula sa rehiyon ng Southern Tagalog at Central Luzon. Bago ang mismong araw ng SONA, nagkasa na ang mga organisasyon ng protesta sa iba’t ibang ahensya ng rehimeng Marcos para singilin at panagutin sa kanilang kawalang tugon at bulok na mga serbisyo.

Sa mga prubinsya, pinangunahan din ng mga balangay ng Bayan ang mga demonstrasyon at aktibidad. Pinakamalaki ang pagkilos sa Iloilo City kung saan umabot nang halos 1,000 katao ang lumahok sa protesta. Ikinasa rin ang mga pagkilos sa Naga City sa Camarines Sur, Roxas City sa Capiz, Kalibo sa Aklan, Bacolod City, Cebu City, Tacloban City at Davao City. Samantala, isang porum ang inilunsad sa Baguio City noong Hulyo 27.

Source link