Sa pagsapit ng ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr sa Hunyo 28, dapat malakas na ipanawagan ng mamamayang Pilipino na palayasin ang mga tropa ng imperyalismong US at tutulan ang nilulutong gera nito sa Asia Pacific. Kasabay nito, marapat na singilin at papanagutin si Marcos Jr sa walang pakundangang pagpapakasangkapan sa US sa niluluto nitong gyera sa kapahamakan ng sambayanang Pilipino.
Ilang linggo bago ang SONA, pinagtibay ng pagbisita ni Marcos Jr kay US President Donald Trump sa White House ang kanilang relasyong amo at tuta. Sa pagtatapos ng kanilang pulong at pag-uwi ni Marcos Jr noong Hulyo 22, dala-dala niya ang mga bagong kasunduang militar na patuloy na magtatali sa Pilipinas sa US sa pagpapakasangkapan ng una sa huli para sa gera laban sa China.
Sa apat na taon sa poder ni Marcos Jr, lalong dumarami ang presensyang militar ng US sa bansa na palatandaan ng kanyang lantarang pangangayupapa sa US. Ngayong Hulyo, sinasamantala ng AFP ang pananalasa ng bagyong Crising at Dante at ng habagat upang ibida ang pagkakaroon ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites para diumano sa ayuda at disaster response. Ito ay desperadong hakbang upang pagtakpan ang tunay na pakay at palabasing makatao ang layunin ng pagbabalik-base ng imperyalismong US sa bansa. Sila ay mga demonyong nagpipilit magmukhang anghel sa pagsagpang sa kahirapan at panahon ng kagipitan ng bayan upang magpabango at itulak ang maka-imperyalistang adyenda sa bansa.
Suportado ni Marcos Jr. at ng AFP ang mga pakana ng US para paigtingin ang tensyon at pang-uudyok ng US ng gera laban sa China. Taun-taon isinasagawa ang higit 500 pinagsanib na ehersisyong militar ng US at Pilipinas kabilang ang mga alyadong bansa na Australia at Japan. Dumarami lalo ang lumalahok na dayuhang pwersa sa Balikatan exercises. Patuloy na nag-iistak ng mga kagamitang militar ang US at nagdaragdag ng mga base militar sa bansa.
Nahihibang si Marcos Jr., ang AFP at imperyalismong US na i-normalisa at tahasang ipatanggap sa mamamayang Pilipino na ilunsad ang gera sa bansa. Nagkakalat ito ng kasinungalingan, disimpormasyon at Sinophobia upang linlangin ang isip ng mamamayang Pilipino at hungkag na ikatwiran ang pagdami ng presensya ng tropang militar ng US. Sa unang linggo ng buwan, mayabang na naglayag at nagparada ang USS George Washington Carrier Strike Group sa karagatan ng Asia Pacific at dumukdok pa sa Manila Bay. Ginawa pang aliwan ang mismong aircraft carrier na ibinukas sa media at Pilipino para ipagyabang ang teknolohiya at kapasidad militar nito.
Taliwas sa inaasahan ng rehimeng US-Marcos II, hindi ikinatutuwa ng mamamayang Pilipino ang presensya ng pwersang militar ng US sa bansa, bagkus lalo silang namumuhi sa posibilidad ng di-masukat na pinsala kapag pumutok ang gera ng US. Hindi kaseguruhan ang hatid nito kundi panganib at kapinsalaan sa kabuhayan ng mamamayan. Inirereklamo na ng mga Pilipino ang perwisyong dulot ng mga pinagsanib na ehersisyong militar sa hanapbuhay, lalo ng mga mangingisdang pinagbabawalang pumalaot at ng mga magsasakang pinipigilang pumunta sa kanilang bukid. Gayundin, matinding trauma ang hatid ng mga pasabog sa mga test fire at paglipad ng mga sasakyang pandigma sa ere sa mga residente kung saan inilulugar ang mga pagsasanay. Pinalalayas naman ang mga residente sa mga lugar kung saan itinatayo ang mga base militar tulad ng kaso ng itatayong US Naval Base sa Oyster Bay sa Palawan.
Kaisa ng mamamayang Pilipino, mariing kinukundena ng Melito Glor Command (MGC)-NPA ST ang mulat na pagpapaubaya ni Marcos Jr. sa bawat kumpas ng US para paigtingin ang tensyon sa pagitan ng huli laban sa China sa mismong mga karagatan at saklaw ng teritoryo ng bansa. Higit na isinasapanganib ng nagpapatuloy na presensya ng mga tropa ng imperyalismong US sa Pilipinas ang buhay ng mamamayang Pilipino sa gitna ng pakana ng US na iputok ang gera laban sa China sa Asia Pacific.
Nananawagan ang MGC sa lahat ng mga makabayan, patriyotiko, progresibo at mapagmahal sa kapayapaan na kumilos para tumindig at labanan ang planong pagpaputok ng gera ng imperyalismong US at rehimeng Marcos II sa saklaw ng teritoryo ng Pilipinas at rehiyong Asia Pacific. Makiisa sa lahat ng mga mamamayan ng Asia Pacific na tutol sa gerang agresyon ng US sa rehiyon.
Ang tunay na paglaban para sa kalayaan at demokrasya ay makakamit lamang sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan na may layuning ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Makakaasa ang mamamayang Pilipino sa New People’s Army bilang tunay nitong sandata para makalaya sa imperyalismong US at kamtin ang pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalistang bukas.











