Kasama ang buong bayan, nasusulasok kayo ngayon sa pagsabog ng masangsang kabulukan ng katiwalian at pandarambong ng gobyerno ni Marcos. Sukang-suka ang lahat sa sumasambulat na gahiganteng pangungurakot at nakalululang mga ebidensiya ng pangungurakot sa mga palpak, tiwawang at ghost na mga proyektong imprastruktura. Sa turuan at laglagang nagaganap sa burukrasya, magkakakuntsaba ng mga kawatang kontratista at mga “mambabawas” na mambabatas, “kickbacker” na mga senador, DPWH at iba pang ahensyang pang-ehekutibo, at siyempre ang mismong nagpatakam para mangurakot na nasa Malakanyang.
Iwas-pusoy ang laro ni mandaramBongBong Marcos sa kanyang pagtatayo ng independent investigating body sa katiwalian sa flood control projects. Nagmamalinis si Marcos sa pagdedeklarang “walang sasantuhin” ang imbestigasyon, upang umiwas sa galit ang batikos ng mamamayan. Subalit hindi niya mabubura sa isip ng taumbayan na siya ang orihinal na nepo baby ng diktadurang 14-taong nagpayaman sa poder.
Nitong mga huling araw, ipinamalas ninyong mga kabataang estudyante ang makatwirang galit. Malakas ang inyong sigaw na dapat may mapanagot sa nakaririmarim at talamak na korapsyon sa kasalukuyan.
Mga kabataan, wasto na lumabas sa mga klasrum at magpahayag ng galit sa korapsyon. Kayo mismo’y nakaranas ng mga pagbaha at biktima ng katiwalian sa gubyerno. Sa mga pampublikong paaralan, hindi magamit ang di tapos na mga gusaling kinurakot ang pondo. Ang badyet sa edukasyon ay binabawasan na nga ay hindi ligtas sa mga katiwalian. Marapat lamang, kung gayon, na alamin ang katotohanan, lumahok sa mga pagkilos at ipamalas ang militansya para ipagtanggol ang interes at ipaglaban ang mga kahingian ng mga kabataan at buong bayan.
Gawing paaralan ang iba’t ibang larangan ng diskursong pampulitika at protesta. Gawing mga guro ang batayang masa na silang pinakanaghihirap, pinakanagtitiis at nasa loob ang kulo ng disgusto sa kasalukuyang sistema. Pagsanibin ang inyong talino, talento at lakas sa hanay ng napakaraming masang api.
Mga kabataan, makiisa sa malawak na pakikibaka ng mamamayan at tumindig kasama nila para sa panlipunang pagbabago. Sa mga kabataang kababaihan at kapatid na LGBTQ, nasa larangan ng pakikibakang bayan ang inyong paglaya mula sa pang-aapi ng pyudal patriyarkal at burges-dekadenteng sistema.
Marapat ninyong malaman na ang mala-sindikatong pagpapatakbo ng isang gobyerno kung saan bukod sa korapsyon, ay kalakaran rin at nagsasalimbayan ang nepotismo, padrino, bentahan ng boto, dinadayang eleksyon at inaabusong kapangyarihan sa pulitika, ay ang tinatawag na sistematikong burukrata-kapitalismo.
Isa lamang ang burukrata-kapitalismo sa mga salarin kung bakit napakabulok ng sistemang kinasasadlakan ng mamamayang Pilipino. Binulok at patuloy na binubulok ito ng mga dikta ng dayuhang imperyalista na katulad ng US. Sa katunayan tulak nila ang mga pangungutang at mga pag-aayuda na “pantakam” at target agad na kurakutin ng mga kawatan sa gobyerno. Mistulang pinag-iwanan ng panahon ang Pilipinas. Wala itong mga batayang industriya at nananatiling atrasado at agraryo ang produksyon, laluna sa kanayunan, kung nasaan ang mayorya ng mamamayan. Pyudalismo ang sistemang tuntungan ng imperyalismo. Panlilinlang at pasismo ang gamit ng burukrata-kapitalistang estado para supilin ang mga manggagawa at magsasaka at pagkaitan sila ng kapanyarihan.
Ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) ang isa sa mga nagsusulong ng pambansa-demokratikong pakikibaka sa pamamagitan ng armadong pakikibaka bilang pangunahing pamamaraan ng pakikibaka. Layunin nitong wakasan ang sistemang bulok na malakolonyal at malapyudal na kimumuhian nang-aapi sa mamamayang Pilipino. Sa mga larangang gerilya, ipinupunla at pinayayabong ang binhi ng demokratikong pamamahalang pampulitika at panlipunan. Dito isinasapraktika ang tunay na demokrasya at nagsisilbi ang paggobyerno nito sa interes ng nakararami kaya’t walang lugar ang korapsyon at prinsipyado itong iwinawaksi.
Tunay na kinikilala at masigla ang pagpapel ng mamamayan lalo na ang mga kababaihan at kabataan sa mga Pulang baseng ito dahil ang mga serbisyong panlipunang ipinoprograma ay nagsisilbi para sa kanila. Kasabay na isinusulong rin ang kultura ng pakikipagkapatiran sa hanay ng anak-pawis, pagkakapantay sa kasarian at kalakarang mapagkalinga at palaban sa mga baryo at bayan na alternatibong pulitika na itinataguyod.
Dahil may Pulang hukbo ang gobyernong bayan, may antas ng depensa at kakayahang magpalawak ang ganitong mga Pulang base na kinikilala ang pampulitkang kapangyarihan ng mamamayan.
Kaya, nasa mga larangang gerilya ang mga tinatanaw ng MAKIBAKA at buong rebolusyonaryong kilusan na siyang sinag ng pag-asa at liwanag sa madilim at nakakadismayang kinasasadlakang krisis ng bansa sa kasalukuyan.
Gayon, hamon ng MAKIBAKA sa mga kabataan, bagtasin ang landas para sa tunay na pagbabago at magmartsa patungo sa kanayunan.











