Nagprotesta ang mga progresibong grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Central Visayas sa Police Station 3 sa Cebu City noong Oktubre 17 para kundenahin ang panggigipit ng mga pulis sa mga lider-masa ng Cebu. Inireklamo ang mga lider dahil sa sinasabing paglabag nila sa Batas Pambansa 880 (BP 880) o ang Public Assembly Act.
Sinampahan ng reklamo ang mga lider dahil sa paglulunsad ng protestang kontra korapsyon sa Cebu City District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways Region VII sa syudad noong Setyembre 5. Kabilang sa mga inireklamo sina Nanay Bebe Allere ng Panaghupong-Kadamay, Jaime Paglinawan ng Bagong Alyansang Makabayan-Central Visayas, John Ruiz ng Bayan Muna, Howell Villacrucis ng AMA-SUGBO-KMU, at iba pa.
Malaon nang ginagamit ng estado ang BP 880 para supilin ang boses at protesta ng mamamayan. Ang batas ay pamana ng diktadurang Marcos na patuloy na ginagamit laban sa mamamayan hanggang sa kasalukuyan.
Matapos ang pagkilos sa istasyon ng pulis, nagmartsa ang mga grupo patungo sa Department of Public Works and Highway (DPWH)-Region 7 para patuloy na batikusin ang nabubunyag na katiwalian sa mga proyektong imprastruktura. Bahagi rin ang pagkilos ng tinaguriang Black Friday Protest na linggu-linggong inilunsad ng mga progresibong grupo sa buong bansa.
Kamakailan, inaprubahan ng House of Representatives ang pambansang badyet para sa 2026 na batbat pa rin ng anomalya at pork barrel, kung saan pinakamalaki ang nakopo ni Ferdinand Marcos Jr. Samantala, sunud-sunod ang pagtatangka ng rehimen para pagtakpan at idiskaril ang imbestigasyon sa katiwalian sa mga proyektong flood control kabilang na ang ginagawang taktika ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Noong Oktubre 17, nagkaroon din ng mga pagkilos sa iba’t ibang mga prubinsya tulad ng Nueva Ecija, Rizal, Laguna, Cavite, Batangas, Quezon, at Iloilo. Nagmartsa rin ang 5,000 kabataan sa Mendiola sa Maynila para sa pambansang araw ng pagkilos kontra korapsyon.










