Ang Bayan Ngayon » Pandaigdigang araw ng mga migrante manggagawa, ginunita ng mga Pilipino sa iba’t ibang bansa

Ginunita ng iba’t ibang balangay ng Migrante ang pandaigdigang araw ng mga migranteng manggagawa noong Disyembre 18. Dineklara din ito bilang ‘Zero Remittance Day laban sa korapsyon’. Ang zero remitance day ay araw kung saan sabay-sabay na hindi magpapadala ng pera ang mga migrante sa Pilipinas.

Ayon sa Migrante International, ang zero remitance day ay porma ng pagtutol ng mga migrante sa malawakang korapsyon sa Pilipinas. Anito, sa harap ng maraming sakripisyo ng mga migrante at laki ng pinapadalang pera nila sa Pilipinas ay naghihirap pa rin sila at kanilang mga pamilya. Nasa $38.34 bilyon ang halaga ng remittances ng mga overseas Filipino noong 2024. Ngayong 2025, kumita ang gubyerno ng Pilipinas ng ₱168.08 milyon mula sa 8,000 na migrante na umaalis sa bansa kada araw. Sa kabila ng ambag ng migrante sa ekonomya ng bansa, pinababayaan sila ng gubyerno sa panahon ng kagipitan sa ibang bansa. Bulok ang serbisyo ng mga embahada, konsulado, at DMW. Ang malala ay nabubulsa ng iilan ang pondo ng migrante na dapat napupunta sa kanilang proteksyon at serbisyo sa kanilang mga pamilya.

“Panahon na para panagutin ang Hari at Reyna ng korapsyon. Singilin natin ang gubyernong Marcos na pumapatay sa atin gamit ang korapsyon. Malayo man tayo sa ating inang bayan, sa sama-samang pagkilos ay nagsisilbi tayo bilang makapangyarihang pwersa,” pahayag ng grupo.

Lumahok sa kampanyang zero remitance ang mga balangay ng Migrante sa Thailand, Hong Kong, Japan, Canada, France, Italy, Australia, South Korea, Germany, Middle East at USA.

Nagprotesta din ang ilan sa mga balangay ng Migrante upang kundenahin ang mga pang-aabuso at diskriminasyon na nararanasan nila bilang migranteng manggagawa sa bansa na kanilang pinagtatrabahauan o tinitirhan.

Sa Aotearoa, nagprotesta sa harap ng upisina na Minister of Immigration ang grupong Migrante kasama ang Union of Network of Migrants New Zealand, Migrant Action Trust, Migrant Workers Association, Migrant Rights Network, United Filipino Bus Drivers in New Zealand at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Aotearoa. Panawagan nila ang pagwawakas sa sistema ng pagtatali ng work visa ng migrante sa employer at pagtigil sa pang-aabuso sa mga migrante.

Sa US, nagprotesta ang Tanggol Migrante Movement (TMM) sa konsulado ng Pilipinas sa Chicago upang ipanawagan ang pagpapalaya sa mga Pilipinong imigrante na dinetine ng Immigration and Customs Enforcement (ICE). Nanawagan din sila pagpapanagot sa mga ATN officers at upisyal ng konsulada at embahada sa kanilang kapabayaan at kawalan ng pakialam sa kalagayan ng mga dinetine na mga Pillipinong imigrante.

Sa Adelanto, California, lumahok sa protesta ang TMM, International League of People’s Struggle, Bayan-Southern California, International Migrants Alliance, Kabataan Alliance, National Alliance for Filipino Concerns, at Defend Migrants Alliance sa malawakang protesta sa syudad upang kundenahin ang marahas na pagtugis sa mga migrante at imigrante sa bansa.

Sa Washington, naglunsad ng protesta ang TMM sa labas ng North West Detention Center na may temang ‘Free our Families’. Naglunsad din ang grupo ng online pressconference upang pormal na ianunsyo ang pagkatatag ng Families of Filipinos in Detention, organisasyon ng mga kaanak, kaibigan at ng mga dating dinetine ng ICE.

Sa Pilipinas, nagprotesta sa Mendiola ang mga myembro ng Migrante Philippines mula sa mga balangay nito sa Quezon City, North Caloocan, San Jose Del Monte (Bulacan), Nueva Ecija, Ilocos, Pangasinan, Isabela Laguna, Rizal, Tanay, Central Visayas, Davao at SOCCSKSARGEN. Kalahok din sa protesta ang Concerned seafarers of the Philippines, Samahan ng mga DH sa Gitnang Silangan, at Kilusang Mayo Uno,

Source link