Kinundena ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-Eastern Visayas (PKM-EV) ang pamemeste ng mga sundalo sa ilalim ng 801st IBde sa ilang barangay sa Gandara, Samar. Simula Nobyembre 22, militarisado ang mga barangay Gereganan, Marcos, San Miguel at katabing mga komunidad.
Ang pagdagsa ng mga sundalo sa mga komunidad ay bibinigyang katwiran ng 801st IBde bilang tugon sa naiulat na mga engkwentro nito sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Gandara. Bunga nito, mahigit 100 residente ng barangay Marcos at San Miguel ang napilitang lumikas sa kanilang mga bahay.
Nagpataw rin ng hamlet ang militar sa nasabing mga lugar at pinigilan ang pagpunta sa bukid at paghahanapbuhay ng mga magsasaka. “Malaking dagok sa buhay at kabuhayan ng mga Samareño ang presensya ng mga pasistang tropa,” ayon kay Elias Sumuroy, tagapagsalita ng PKM-EV.
Binatikos ng PKM-EV ang tinawag nitong “limos, panandalian at hindi sapat” na ayudang ipinamudmod ng lokal na gubyerno ng Gandara at ng 3rd IB at 8th CMO Battalion sa mga napalayas na residente. Anang grupo, bahagi rin ang pagbibigay ng ayuda ng saywar ng militar sa mga residente.
Ayon sa PKM-EV, barya lamang ang ayuda kumpara sa milyun-milyong ninanakaw at kikbak ng mga upisyal ng Armed Forces of the Philippines. Kinikulimbat ng mga upisyal ang pondo mula sa mga palabigasang proyekto tulad ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program at Barangay Development Program ng National Task Force-Elcac.
Nanawagan ang grupo sa mga magsasaka ng Gandara na magkaisa at ilantad, kundenahin at labanan ang pasistang terorismo ng 801st Brigade sa kanilang lugar. “Walang ibang landas para makamit ang tunay na kapayapaan at kaunlaran kung hindi sa pamamagitan ng digmang bayan,” pahayag ni Ka Elias.
Tahasang itinakwil ng PKM-EV ang panawagan ng kumander ng 801st IBde na si Brig. Gen. Arlino Sendaydiego sa mga Pulang mandirigma ng BHB na sumuko na sa gubyerno. “Ang kahirapan at pasismong hatid ng 801st IBde sa kanayunan ang dahilan ng patuloy nilang pag-aarmas at pagrerebolusyon,” ayon kay Ka Elias.
Dagdag nito, ipinahayag ng grupo na ikinararangal nila ang mga kapwa magsasaka na nagpapasyang maging kasapi ng BHB. “Patuloy na susuportahan ng masang magsasaka ang BHB at isusulong ang demokratikong rebolusyong bayan na siyang tunay na nagtataguyod ng kanilang kagalingan at interes,” pahayag ni Ka Elias.
Samantala, naghihintay pa ng upisyal na ulat ang Ang Bayan mula sa BHB-Eastern Visayas (Efren Martires Command) hinggil sa ibinalita ng 801st IBde na napatay na Pulang mandirigma sa mga labanan sa Gandara.











