Ang Bayan Ngayon » Pambansang Araw ng Protesta ng Kababaihan, inilunsad

Naglunsad ng sabayang kilos protesta ang iba’t ibang tsapter at organisasyon sa ilalim ng Gabriela noong Oktubre 28 bilang bahagi ng ‘Pambansang Araw ng Protesta ng Kababaihan.’ Panawagan nila na may mapananagot sa sistematikong pandarambong, kriminal na kapabayaan sa pangangailangan ng mamamayan, kronikong pagbabawas ng pondo para sa pampublikong serbisyo at umiigting na pagsupil ng estado sa karapatan ng mamamayan ng rehimeng US-Marcos.

Ginugunita ang araw na ito tuwing Oktubre 28 upang pagpugayan ang makasaysayang kilos protesta noong 1983 kung saan humugos sa lansangang ang mahigit 10,000 kababaihan upang kundenahin ang diktadurang Marcos, korapsyon, at paglabag sa karapatang-tao.

Naglunsad ng protesta sa tapat ng Iglesia Filipina Independiente sa Taft Avenue, Manila angkababaihan ng Gabriela at BABALA (Babae Laban sa Katiwalian)-NCR; ang Gabriela Women’s Party, Salinlahi, PAECCDI at Children’s Rehabilitation Center sa Marikina City at ang Bahaghari, Sining Lila at Gabriela Youth sa UP Diliman.

Ayon sa Gabriela, habang abala ang rehimeng Marcos sa pang-aaresto at panggigipit sa mga nagpuprotesta laban sa korapsyon, walang pa ring napananagot sa mga nagnakaw sa pera ng mamamayan o nabawi sa mga ninakaw na pondo.

“Mas mabilis pang manghuli ng mga galit sa magnanakaw kaysa sa aktwal na magnanakaw. ‘Pag naggiit ang mamamayan para sa pananagutan, tugon lagi ng estado ang surbeylans, pag-aresto, pagdukot at pagpaslang, na pinupondohan mula sa ninakaw na pera ng sambayanan,” paliwanag ni Clarice Palce, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Walang tigil ang estado sa pagpapatahimik sa boses ng kababaihang lumalaban sa korapsyon at kawalan ng hustisya. Target ng Red-tagging, pananakot, panggigipit at surbeylans ang mga kababaihan lider ng mga komunidad at tagapagtanggol ng karapatang-tao. Kabilang dito sila Betty Belen mula sa Kalinga, Bebe Allere ng Cebu City, at mga lider at myembro ng Gabriela sa Caloocan City. Pinipilit rin ng NTF-Elcac na idiskwalipika ang Gabriela Women’s Party sa pamamagitan ng gawa-gawang reklamo nito sa Commission on Election.

“Ang mga lumalaban para sa karapatan ay nire-red-tag, pwersahang pinasusuko, inaaresto, at pinapatay, habang ang mga magnanakaw malaya at hindi napapanagot—gaya na lang ng kalalaya lamang na mga sangkot sa kasong pork barrel na sina Enrile, Napoles, at iba pa,” puna ni Palce.

“Hindi natin pwedeng labanan ang korapsyon nang hindi hinaharap ang panunupil ng estado. Tuloy ang laban, panagutin natin sa hukuman ng taumbayan ang rehimeng US-Marcos. Baguhin ang bulok na sistemang pinaghaharian ng mga mandarambong at mga pasista!” aniya.

Source link