Mariing kinukundena ng Rodante Urtal Command ang tumitinding kaso ng pang-aabuso, panggigipit at pagpapahirap na ginagawa ng mga tropa ng 19th IB at 43rd IB sa mga komunidad ng magsasaka sa Las Navas, Northern Samar. Ang matinding militarisasyon ay perwisyo at sagka sa kanilang paghahanapbuhay kung saan nakukuba na sila sa maghapong pagtatrabaho dahil sa krisis na dulot ng imperyalistang gyera.
Noong Hulyo 8 ng umaga ay isinailalim sa interogasyon ng mga pasistang tropa ang mga magniniyog na sina Ariel de Quiros at Marlo Moreno sa bukid ng Macagtas sa pagitan ng Barangay Cuenco at Caputoan. Inistorbo ang pag-aakyat nila ng niyog para maimbestigahan tungkol sa presensya ng hukbong bayan. Nang walang makuhang impormasyon pinagbubugbog sila at pinahirapan si Moreno sa pamamagitan ng pagpapaikot-ikot hanggang sa mahilo. Nagkaroon din ito ng pasa sa paa nang patamaan ng barel ng baril. Hindi sila agad na pinakawalan dahil pagtawag ng sundalo sa baryo, “Mario” ang nakasulat na pangalan sa logbook imbis na “Marlo.” Pinaniniwalaang sinadya lang ng sundalo na maging mali ang pagbasa sa pangalan ng biktima.
Dahil sa pangyayari, kinabukasan ay pinapunta ang ilang residente ng Barangay Caputoan sa hedkwarters ng 19th IB sa Barangay Opong, Catubig. Walang gustong pumunta dahil wala silang pamasahe. Napasunod lamang sila nang sagutin ng mga sundalo ang kanilang pamasahe. Pagdating ni de Quiros, hindi naman pala siya pinag-uulat kaya hindi binayaran ang naging gastos niya sa biyahe.
Ang matinding militarisasyon at panggigipit sa kilos ng mga magsasaka ay nakadaragdag sa gastos sa produksyon at nakababawas sa kanilang produktibidad. Nakatiwangwang ang mga kaingin; takot ang mga taong maghawan dahil tinatambangan sila ng mga sundalo sa bukid at nangangamba silang maabuso. Binuwag ang kanilang mga samahan kaya hindi na sila makapag-araglayon (bayanihan) para pabilisin ang trabaho sa bukid. Naoobliga silang maramihang magpasahod ng mga maghahawan sa mga sakahan gayong bago ang militarisasyon, kaya itong balikatain ng bawat pamilya.
Tumitinding saywar
Sinasaywar ng mga pasistang tropa ang buong Caputoan. Pinatawag nila sa isang masmiting ang mga residente dahil may nakita umano silang pinagkampuhan ng hukbong bayan sa kanilang pag-ooperasyon. Malisyoso nilang pinagbintangan ang mga magsasaka na nasa palibot ng kanilang iniilusyong “kampo.” Inuutusan din ang masa na laging mag-uwi ng kahoy o kawayan na ipambabakod sa buong baryo.
Hindi ligtas kahit ang mga sumakabilang-buhay na. Pinahukay ng mga pasistang tropa ang libingan ni Lita Empon Garcia na limang taon nang patay dahil daw kasapi ito ng BHB. Pinilit ang barangay konseho na maging saksi sa sapilitang pagpapahukay dito, kahit na iginiit nila na namatay si Garcia sa sakit. Takot din ang mga naiwang kaanak na magreklamo. Nakadagdag sa takot ng mga konsehal ang sapilitang pagpapadaan sa kanila sa matataas at makikitid na bahagi ng bundok kung saan ilang beses silang nahulog. Kamuntikan pa silang maengkwentro ng hiwalay na kolum ng mga pasistang tropa.
Matapos malantad sa social media ang panloloob ng mga tropa ng 43rd IB sa kabahayan sa Caputoan, hindi na ito singdalas na ginagawa. Gayumpaman, gumagawa na lamang sila ng ibang dahilan para patuloy na gipitin ang mamamayan.
Isang malaking kabalintunaan ang pagpapadala sa mga residente ng ID o katibayan ng kanilang pagkatao, gayong sariling mga sakahan naman ang pupuntahan nila at ang pasistang militar ang dayo sa kanilang lugar. Ito ay para pahigpitin ang pagmomonitor sa mga sibilyan. Kung wala sa logbook ang pangalan ng residente, nagiging dahilan ito para sa pang-aabuso. Lahat ng ito ay naglalayong pangibabawin ang karahasan at militar na paghahari sa komunidad.
Kagyat na mga panawagan
Napakahigpit ng pangangailangan para sa mamamayang Las Navasnon na magkaisa, ilantad at labanan ang hindi tahasang paglabag sa kanilang mga karapatan at kalayaan ng 19th IB at 43rd IB. Dapat nilang buuin ang kanilang solidong pagkakaisa para igiit ang mga batayang karapatan sa malayang pagkilos, paghahanapbuhay, pag-oorganisa at pagpapahayag. Nakasalalay dito ang buhay, kaunlaran at tunay na kapayapaan ng kanilang komunidad.
Kailangan ng masang magsasaka ng Las Navas ng suporta at pakikiisa ng malawak na mamamayan ng Eastern Visayas at ng buong bansa. Dapat tumulong ang publiko laluna ang mga kabataang estudyante, midya, taong-simbahan, mga tagapagtanggol sa karapatang pantao at makakapayapaang indibidwal na ipatambol ang mga pang-aabusong ito, para mabawi ng mga taga-Las Navas ang kanilang dignidad at makamit ang kanilang mga karapatan.
Inaatasan ang lahat ng yunit ng BHB sa Northern Samar na pahigpitin ang pakikipagkaisa sa masang magsasaka upang gabayan at ipagtanggol sila sa panahon ng matinding militarisasyon. Dapat gawin ng mga Pulang mandirigma ang lahat para makapaglunsad ng mga kakayaning aksyong militar at pagbayarin ang mga berdugong nagpapahirap sa mamamayan. Ang mga putok ng armas ng BHB ang tiyak na magpapataas sa kanilang diwang mapanlaban at magpapaalab ng kanilang suporta sa digmaang mapagpalaya ng bayan.











