Ang Bayan Ngayon » Pagtugis ng gubyerno ng Canada sa mga migrante, kinundena

Mariing kinundena ng Migrante Canada ang pagtugis ng gubyerno ng bansa sa pangunguna ng Canada Border Services Agency (CBSA) sa mga migranteng manggagawa.

Ayon sa ulat, tahimik na ni-reyd ng CBSA ang mga pinagtatrabahuan ng mga migrante sa Calgary at Victoria tulad ng mga construction site, restawran at sakahan. Nagdulot ito ng matinding pangamba hindi lamang para sa mga komunidad ng migrante kundi para sa kabuuan ng Canada.

Hugas kamay ang gubyerno at sinabing ang pagtugis ng CBSA ay bahagi ng imbestigasyon sa pagpapatupad sa Immigration and Refugee Protection Act o batas para sa mga imigrante at refugee.

Inanunsyon ng CBSA noong Oktuber 17 ang pagdeploy nila ng dagdag na 1,000 upisyal upang mas paigtingin ang pagtugis sa mga imigrante at pabilisin ang pagpapalayas sa kanila sa bansa. Sa kasalukuyan, pangunahin nitong target ay mga migrante mula sa India, mga migrante na paso na ang visa, may kasong kriminal at mga nag-aplay bilang refugee ngunit hindi pinahintulutan. Batay sa upisyal na datos, pumapangalawa ang mga Indian sa mga Mexican sa pinakamaraming pinalayas sa bansa. Nasa 2,209 na Indian na ang napalayad sa bansa mula Abril 2024.

“Patuloy nating kundenahin lahat ng porma ng atake sa komunidad ng mga migrante mula sa xenophobia, pagsabatas ng mga anti-migrante na patakaran at paggamit sa mga migrante bilang hantungan ng sisi,” paliwanag ng grupo

“Nananawagan kami sa kapwa Pilipino, kapwa migrante at mga alyado na maging mapagmatyag laban sa mga ganitong atake,” pahayag ng grupo.

Source link