Ang Bayan Ngayon » Pagtaas ng singil sa tubig sa Iloilo, kinundena

Nagpiket ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Panay sa upisina ng Metro Iloilo Water District (MIWD) sa Iloilo City noong Oktubre 20 para batikusin ang nakatakdang pagtaas ng singil sa tubig. Magtataas ng singil ang Metro Pacific Iloilo Water (MPIW) una sa Nobyembre at muli sa Marso 2026.

Kasalukuyang naniningil ang MPIW sa mga konsyumer nito ng ₱20 kada cubic meter. Tataas ito nang 26% tungong ₱25.2 kada cubic meter sa Nobyembre at magiging ₱28.67 kada cubic meter sa Marso. Aabot sa kabuuang 43% ang itataas sa loob ng limang buwan.

Pagdadahilan ng kumpanya, mula pa 2019 ay hindi na sila nagtaas ng singil. Tugon umano ito sa tumataas na gastos ng kumpanya sa sahod, kuryente, panggatong at mga kemikal. Palusot nito, hindi gagamitin ang karagdagang singil para sa gastos sa kapital o pagpapaunlad at pagpapalawak sa kanilang mga serbisyo.

“Hindi katanggap-tanggap ang mga rason na ito,” pahayag ng Bayan-Panay. Anang grupo, ang pagtaas ng singil ay hindi makatarungan, pahirap at kontra-mamamayan laluna at ang gastos para sa sahod, panggatong at kuryente ay dapat batayang responsibilidad ng kumpanya at hindi ipinapasa sa mga konsyumer.

Dagdag ng grupo, nagpatuloy ang operasyon at kita ng MPIW sa loob ng anim na taon nang hindi ito nagtaas ng singil. “Ibig sabihin, hindi ito nalulugi,” anang grupo.

“Sa panahong nahihirapan ang mamamayan dahil sa matataas na presyo at mababang sahod, ang dagdag na pasanin na ito…ay dagdag pabigat sa karaniwang sambahayan,” ayon sa Bayan-Panay. Mas masama pa, anang grupo, nananatili namang pangit ang kalidad ng serbisyo sa tubig ng kumpanya katulad ng mahinang presyur ng tubig o hindi regular na suplay, maruming tubig at iba pa.

“Malinaw, walang tunay na pagbuti sa paghahatid ng serbisyo sa kabila ng public–private partnership,” pahayag ng grupo. Ang MPWI ay sosyohan o joint venture ng MIWD at Metro Pacific Water, subsidyaryo ng Metro Pacific Investments Corporation. Nagsimula ang 25 taong kontrata ng lokal na gubyerno at pribadong kumpanya noong 2018.

Sa harap ng bulok na serbisyong dulot ng pribatisasyon, idiniin ng Bayan-Panay ang paninindigan nito na ang akses sa tubig ay isang batayang karapatan at hindi isang kalakal na pwedeng samantalahin para sa kita. “Dapat tiyakin ng gubyerno na manatiling abot-kaya, malinis at aksesible sa lahat ang tubig,” ayon sa grupo.

Nanawagan ang grupo ng pagbasura sa Joint Venture Agreement sa pagitan ng MIWD at Metro Pacific laluna at napatunayan nang bulok at inutil ang serbisyo nito. Hinamon rin ng grupo ang Iloilo City Council na imbestigahan ang hindi makataraungan na pagtaas sa singil at bulok na serbisyo sa tubig ng kumpanya.

Source link