Sa ikalawang taong anibersaryo ng pagkamatay ni Josephine “Ka Sandy” Mendoza–ikalawang pangkalahatang kalihim ng Komiteng Rehiyon ng Timog Katagalugan-Partido Komunista ng Pilipinas, magiting na proletaryadong lider at organisador, tunay na mukha ng militanteng katangian ng makabagong kababaihan–buong diwang pinagpupugayan ng lahat ng masang kababaihan ang kaniyang dakilang buhay at naging higanteng ambag sa pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan mula kanayunan hanggang sa kalunsuran.
Ang higit na apat na dekada sa buhay ni Ka Sandy ay nilaan niya para sa pagsusulong ng pakikibaka ng mamamayan sa Timog Katagalugan, bunga nito ay bumulwak at matibay na naipunla ang rebolusyonaryong kilusan ng iba’t ibang sektor ng mamamayan sa rehiyon na hanggang ngayon ay patuloy na nagpupunyagi sa kabila ng matinding desperasyon ng berdugo at inutil na reaksyunaryong estado na tuldukan ang rebolusyaryong kilusang pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Si Ka Sandy ay nasawi sa edad na 59 dulot ng matinding karamdaman noong ika-10 ng Nobyembre, taong 2023. Hanggang sa kaniyang huling hininga, hiling niya’y kabutihan ng mga kasama at masa at pagpapatuloy ng pinangunahan niyang rebolusyon sa rehiyon.
Pinapatotoo ng matitinding krisis na nararanasan ng mamamayang Pilipino ang kawastuhan ng paglalaan ni Ka Sandy ng kaniyang dakilang buhay para sa rebolusyon at kung bakit maraming masang kababaihan, kabataan, at mamamayan ang walang pag-iimbot na tinatahak ito dahil sa nilalatag nitong kawastuhan upang tuluyang wakasan ang nararanasang kahirapan ng buong sambayanan.
Ang buhay at pagrerebolusyon ni Ka Sandy ay marapat lamang na tahakin ng marami pang kababaihan at mamamayan upang tiyakin ang pagpapabagsak sa mga ugat ng kahirapan ng mamamayan na imperyalismo, burukrata kapitalismo, at pyudalismo at itatag ang demokratikong gobyernong bayan na tunay na nagtitiyak at nagsisilbi sa interes ng uring pinagsasamantalahan. Kaya naman ang panata ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan Timog Katagalugan ang higit pang pagpapakahusay, pagwawasto, at pagpupunyagi, aming tatanganan ang diwang proletaryado ni Ka Sandy at iba pang martir ng sambayan.
Mabuhay si Josephine “Ka Sandy” Mendoza!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!











