Pagpapatuloy ng paglilitis kay Sara Duterte sa kasong impeachment, iginiit sa Senado

Nagprotesta sa harap ng Senado sa Pasay City ang iba’t ibang grupo sa pamumuno ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) noong Hulyo 29 para igiit sa mg senador na kagyat na ituloy ang paglilitis kay bise presidente Sara Duterte sa pitong artikulo ng impeachment na isinampa laban sa kanya. Itinaon ang pagkilos sa unang sesyon ng Senado matapos ang ika-apat na state of the nation address ni Ferdinand Marcos Jr noong Hulyo 28.

Muli nilang kinundena ang inilabas na desisyon ng Korte Suprema kamakailan na “di konstitusyunal” ang pagkaka-impeach kay Duterte dahil umano nilabag ng House of Representatives ang sarili nitong proseso sa impeachment. Lalo umanong pahihirapan ng ganitong mga desisyon ang taumbayan na panagutin ang mga tiwaling upisyal ng gubyerno.

“Magiging katawa-tawa at mapagkunwari kung kikilalanin [ng mga senador] ang pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos sa SONA laban sa korapsyon habang nagsasabwatan upang ibasura ang paglilitis sa impeachment ni Duterte,” ayon sa pahayag ng Bayan. Dagdag pa ng grupo, malalantad na isang kasinungalingan ang pusisyong kontra-korapsyon ni Marcos at ng mga mambabatas kung ipagpapaliban ang paglilitis.

“Magpapadala ito ng mensahe na ang mga halal na upisyal ay maaaring malayang magnakaw at gamitin lamang ang bagong patakaran mula sa desisyon ng Korte Suprema upang makatakas sa pananagutan,” ayon sa Bayan.

Ayon sa Bayan, ikinagagalit ng mamamayang Pilipino na ang mga nasa kapangyarihan ay maaaring abusuhin ang kanilang pusisyon upang lustayin ang pondo ng bayan at dambungin ito nang walang pananaguta. “Haharapin ng Senado ang matinding pagbatikos kung susubukan nitong ipagpaliban pa ang impeachment ni Duterte,” anang grupo.

Nanawagan ang grupo sa mga Pilipino na manatiling mapagbantay at ipagpatuloy ang pagsasalita laban sa sabwatan na ito ng mga institusyon ng estado na patakasin sa pananagutan si Duterte. “Kundenahin natin ang bangkaroteng sistemang ito na pinuprotektahan ang mayayaman at makapangyarihan at isinasantabi ang lahat ng pagsisikap ng mamamayan sa pagkakamit ng katotohanan, hustisya at pananagutan,” pagtatapos ng grupo.

Source link