Paglilitis kay Sara Duterte sa kasong impeachment, pinatay ng Senado

Tuluyan nang pinatay ng Senado ang paglilitis kay bise presidente Sara Duterte sa mga artikulo ng impeachment na kinahaharap niya dahil sa katiwalian at korapsyon. Noong Agosto 6, bumoto ang 19 na senador para i-“arkibo” ang kaso bilang pagsunod umano sa desisyon na inilabas ng Korte Suprema noong Hulyo 25.

Sa desisyon ng korte, idineklara nitong “di konstitusyunal” ang pagkaka-impeach kay Duterte dahil nilabag ng House of Representatives ang sarili nitong proseso sa impeachment. Sinabi ng korte na nilabag ang “isang taong palugit” bago muling magsampa ng kaso ng impeachment. Umani ng kabi-kabilang batikos ang desisyon, kabilang mula sa dating mga mahistrado ng Korte Suprema. Anila, nagpasok din ito ng mga bagong hakbang sa proseso ng impeachment na wala sa konstitusyon at may pagmamalabis sa naging hakbang ng korte. Nanawagan silang kagyat na repasuhin ng korte ang desisyon.

Para batikusin ang desisyon ng Senado at Korte Suprema, naglunsad ng mga demonstrasyon ang mga grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan. Araw-araw silang nagprotesta mula Agosto 5-7, at noong Hulyo 26 at 29.

Samantala, nagsampa ng liham ang alyansang Tama Na sa Korte Suprema noong Agosto 5 na pinirmahan ng higit 100 indibidwal mula sa mga sektor ng edukasyon, kabataan, kalusugan, at simbahan. Panawagan nila na magsagawa ng oral argument para makuha ng korte ang mga bagong panig na magbibigay-daan sa pagbaligtad ng desisyon nito.

Source link