Noong Pebrero 27, sa pangunguna ng Samahan ng Maliliit na Mangingisda sa San Miguel Bay (SMB), upisyal na itinatatag ang Tanggol SMB Network sa Barangay Sabang sa Calabanga, Camarines Sur. Layon ng alyansa na tutulan ang planong SMB offshore wind projects. Ayon sa alyansa, libu-libong mangingisda ang mawawalan ng kabuhayan dahil sa proyekto. Direkta ding atake ang proyekto sa seguridad sa pagkain at karapatan ng mamamayan para sa rekurso sa dagat.
Sa ibang bayan sa prubinsya, ipinaglalaban ng mga magsasaka ang kanilang karapatan sa lupa. Sa Barangay San Ramon at Salvacion, Siruma, naglunsad ng protesta ang daan-daang mga residente noong Pebrero 18 upang kundenahin ang pangangamkam ng mga Villafuerte sa kanilang lupa.
Noong Pebrero 20, nagiit ng Portico Banasi Household Farmers Association ang kanilang karapatan sa paninirahan sa ginanap na kumperensya sa munisipyo ng Bula. Ayon sa grupo, sa halip na pakinggan sila ng mga kinatawan ng Philippine Commission on Urban Poor at sheriff ng RTC Branch 31 ay naging mistulang tagapagtanggol sila ng mga mang-aagaw ng lupa. Hindi dumalo sa kumperensya ang mga kinatawan ng Colarina, Tan at ng korporasyong Ruby Shelters Builders and Development Corporation. Habang nasa pulong, binabantayan sila sa loob ng gusali ng mga tauhan ng PNP na may bitbit na matataas na kalibre ng baril.
The post Paglaban ng mga Bikolano sa pandarambong appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.











