Paglabag ng PNP sa karapatan ng mga batang iligal na dinakip sa Mendiola, kinundena

Nananaawagan ang grupong Salinlahi Alliance for Children’s Concerns at National Union of Peoples’ Lawyer (NUPL) sa labas ng Manila Police District Headquarters para sa agarang pagpapalaya sa mga bata at kabataang dinakip noong Setyembre 21.

Tinawag na “tagalabag sa karapatan ng mga bata” ng mga grupo ang PNP dahil sa patuloy nitong pagmamaltrato sa mga bata. Halos apat na araw na ang lumipas ngunit patuloy pa rin silang winawalay sa kanilang magulang na matiyagang naghihintay sa labas ng mga presinto.

Sa 244 na dinakip, 103 ang menor de edad at nasa edad 9 ang pinaka-bata sa kanila. Hindi bababa sa tatlo ang may kapansanan.

Karamihan sa mga biktima ay galing sa mahirap na pamilya. Ang ilan sa kanila ay sumali sa protesta upang kundenahin ang nangyayaring katiwalian habang ang iba ay mga nag-usisa o napadaan lamang o di kaya’y nakatira malapit sa Mendiola at nadamay lamang sa marahas na pagtugis ng PNP.

Habang nasa kustodiya ng kapulisan, nakaranas ang mga bata ng pambubugbog at tortyur. Pinagkaitan sila ng pagkain, medikal na atensyon at komunikasyon sa kanilang pamilya.

“Ito ay malinaw na paglabag sa karapatan ng mga bata. Itong PNP na dapat magprotekta sa mamamayan, sila pa ang nangununa sa pananakit at pandarahas sa mga bata!” paliwanag ni Trixie Manalo, tagapagsalita ng Salinlahi.

Kinundena ng NUPL ang ulat hinggil sa pagdala sa mga menor de edad na inaresto kasama ang kanilang mga magulang, sa Manila City Hall upang iharap kay Isko Moreno, meyor ng Manila. Plano umanong “papangaralan” sila ng alkalde.

“Walang karapatan at kapangyarihan ang alkalde na gawin ang sinasabing ‘pangangaral.’ Paglabag ito sa due process rights nila (mga bata). Dapat ng palayain ang mga bata at minors dahil mahigit 36 hours na silang nakakulong,” paliwanag ni Atty. Ephraim Cortez ng NUPL.

Kinundena din ng mga abugado ang pananakot ng estado sa mga magulang na maaaring papanagutin kung hindi makikipagtulungan sa awtoridad. Anila, ang ganitong taktika ay mapanupil at malinaw na paglabag sa karapatan ng mga bata at kanilang pamilya.

Nananawagan ang NUPL na panagutin ang mga upisyal at kapulisan na sangkot sa mga pang-aabuso sa mga dinakip sa protesta.

“Ang ginawang pang-aabuso sa mga bata ay bahagi lamang ng pangkabuuang ng bulok na sistema. Karahasan ang sagot ng gubyerno sa makatwirang panawagan ng masa. Ang sistema mismo ang nag-uudyok sa tao na magalit at kumilos. Dapat managot ang mga magnanakaw, hindi ang mahihirap,” pahayag ni Manalo.

Source link