Ang Bayan Ngayon » Pagbasura sa kontrata ng PrimeWater sa Bulacan, inisyal na tagumpay ng mamamayan

Pinuri ng Water for the People Network (WPN) ang tagumpay ng mga residente ng San Jose del Monte, Bulacan na ipabasura noong Nobyembre 3 ang joint venture agreement (JVA) ng kanilang lokal na water district (LWD) sa PrimeWater. Ang desisyon ay bunga ng malawak at tuluy-tuloy na paglaban ng Alliance for Consumer Protection, People’s Rights Network at ng mamamayan na tutol sa pribatisasyon ng serbisyo sa tubig.

Sa kabila ng tuluyang pagbasura ng JVA, batid ng mga residente na hindi pa tapos ang laban. Sa 15 LWD na nagtangkang tapusin ang kanilang kontrata sa PrimeWater ngayong taon, wala pa ni isa ang nagtagumpay na kumalas sa kumpanya.

“Patuloy na iniiwasan ng Primewater ang mga petisyon ng lokal na ahensya tulad ng sa Bacolod at Metro San Fernando, La Union. Ang mas nakakabahala ay walang mapakitang komprehensibong plano ang lokal na ahensya para matiyak maaayos nito ang serbisyo sa tubig kapag nabasura na ang JVA,” ayon kay Leo Espelimbergo, tagapagsalita ng WPN.

Kasalukuyang hawak ng PrimeWater ng 77 na JVA sa mga LWD sa buong Pilipinas. Laganap sa mga lugaw na ito ang mga reklamo kaugnay sa hindi sapat o halos walang supply at maruming tubig, habang pamahal nang pamahal na singil sa serbisyo.

Sa nakaraang pagdinig ng Senate Committee on Public Services at Commission on Audit, napag-alaman na karamihan sa LWD na may JVA sa PrimeWater ay nauuwi sa pagkalugi. Hindi tinutupad ng kumpanya ang mahahalagang obligasyon nito, kabilang ang maayos na remitans ng pondo sa mga katuwang nitong ahensya.

Nanawagan mga demokratikong organisasyon at progresibong mambabatas ng masusing pagsusuri sa iba pang pribadong kumpanya ng tubig tulad ng Pamana ni Lucio Co, MetroPac Water ng Pangilinan Group, at Manila Water ng mga Ayala, na nirereklamo rin ng mga konsyumer. Pinatutunayan ng palpak na serbisyo ng mga ito ang kahungkagan ng pribatisasyon.

Nagpahayag naman ng suporta ang WPN kay Engr. Calajete, dating SJDM Water District Board Chair. Kasalukuyan siyang nahaharap sa kasong perjury matapos niyang ilantad ang mga upisyal na nangasiwa sa kasunduan sa Primewater.

“Patuloy kaming mananawagan para sa agarang serbisyo sa tubig, buong kalinawan sa lahat ng JVA, pagbasura sa mga mapanganib na kontrata at muling pagsapubliko ng serbisyo sa tubig. Hindi namin kakalimutan ang mga pulitiko at malalaking negosyante na nagsabwatan para sa tubo, kapalit ng pagdurusa ng mamamayan,” pahayag ng grupo.

Source link