PRWC » NPA, hindi pagagapi hangga’t may pang-aapi

Walang katotohanan ang gustong likhaing larawan ng AFP na tuluyang pagkabuwag ng yunit ng Narciso Antazo Aramil Command. Desperadong ilusyon lamang ito ng pasistang tropa at ng NTF-ELCAC na ipinapalaganap nila upang pagmukhaing nagwawagi ang kanilang kontra-insurhensya sa kabila ng mapanupil na pamamaraan, habang binibigyang-katwiran ang patuloy na natatanggap na pondo ng mga pasistang ahensyang ito.

Nitong Enero, sunod-sunod na mga pahayag ang inilabas ng mga yunit sa ilalim ng Joint Task Group 7-2 ng 7th ID at 2nd ID hinggil sa diumano’y pagsuko ng miyembro ng milisyang bayan, pati ng serye ng pagsamsam nila ng mga nakatagong armas na diumano’y itinuro sa kanila ng mga ex-NPA at iba pang “sumukong” kasapi ng rebolusyonaryong kilusan. Sa mga pahayag na ito, gamit ng mga pasistang tropa ang gasgas na linya ng pagtutulungan diumano ng AFP at mamamayan para pahinain ang NPA at makamit ang “kapayapaan” at ang pangakong mas tahimik na buhay sa ilalim ng E-CLIP.

Kinukubli sa likod ng mga pahayag na ito ang marahas na pagsupil ng AFP-PNP at NTF-ELCAC sa mamamayan upang magawa nilang mapasuko ang mga ito at piliting sumama sa mga operasyon, magturo ng armas, pati na rin ng mamamayang pinaparatangang may ugnayan sa kilusan. Bukod pa rito ang mga peke at desperadong palabas ng mga ahensyang ito ng pagsuko at pagsamsam ng armas na paulit-ulit na kinukuhanan at ipinapahayag upang palabasing marami.

Pinatunayan ito mismo ng ilang sibilyang biktima ng 80th IB at NTF-ELCAC na, sa kabila ng napilitan na silang “sumuko” sa layuning lubayan ng reaksyunaryong tropa, ay paulit-ulit pang pinapasuko. May mga binahagi din ang ilang residente ng Tanay na diumano’y “quota” ng mga pasusukuin na umaabot ng 100 sa ilang takdang barangay dito. Noong 2022, naging resulta nito sa Rizal at mga karatig na barangay ang malubhang abala sa produksyon at kabuhayan, dulot ng mga bultuhang pagpapatawag sa kampo at barangay na umaabot ng mahigit isang linggo. Ilan lamang ito sa mga paglabag sa karapatang-tao na idinulot ng dating Oplan Kapanatagan na ngayon ay pinatitindi sa ilalim ng pinababangong National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD).

Habang binabansagang terorista ang CPP-NPA-NDFP upang baluktutin ang katotohanan, berdugong panunupil at mga atake ang isinasagawa ng AFP-PNP sa mamamayan. Sadyang kailangan nilang daanin sa terorismo ng estado ang kanilang kampanyang kontra-insurhensya dahil ang totoo’y batid nilang hindi kailanman tuluyang magagapi ang NPA. Sa Rizal pa lamang, talamak ang mga kontra-mamamayan at maka-imperyalistang mga proyekto na nagbabanta ng sunod-sunod na demolisyon, pangangamkam ng lupa, at pagkasira ng kalikasan, kaalinsabay ng karahasang pinaiiral ng estado. Ibayong minumulat ng kalagayang ito ang mamamayan sa umiiral na tunggalian ng uri at ng kawastuhan ng pagtangan ng armas upang ipagtanggol ang kanilang interes. Dahil dito’y hindi kailanman masasaid ang balon ng mamamayang nais na sumapi sa NPA at maglingkod para sa interes ng api.

Samantala, kailangang gawin ng AFP at NTF-ELCAC ang magkakakorong pahayag ng kanilang diumano’y umaabanteng kampanya, upang patuloy na gawing gatasang-baka ang NTF-ELCAC. Kabalintunaan ito dahil kung tutuusin, kung nagtatagumpay na ang kampanya, para saan pa ang sustenidong malaking pondo? Ang ahensyang ito ang tunay na dapat na buwagin dahil pinagagana ito ng karahasan at pinagmumulan din ng katiwalian. Daing ng mga sapilitang sumuko na ni wala silang natanggap na pabuya o kabuhayan kapalit ng pinagdaanan nilang kalupitan. Ang iba nama’y may natanggap man ay iilang salop lamang ng bigas at istik ng maskada lamang. Ito, habang ang mga opisyal ng AFP-PNP at NTF-ELCAC ang nakikinabang at nagpapakasasa sa pera at gantimpala.

Dapat na ilantad ng mamamayan ang kalokohan na ibinubuladas ng AFP-PNP at NTF-ELCAC. Dapat na mamulat ang bawat isa sa panlilinlang, pananakot, pamimilit, at pananakit bilang mga sangkap sa ipinangangalandakan nilang “makakapayapaang pagsisikap” para “magbalik-loob” sa reaksunaryong gubyerno. Dapat ding patuloy na ipanawagan ang pagbubuwag sa NTF-ELCAC bilang ahensyang nagsasapanganib lamang sa buhay ng mamamayan at nagpapaluwag sa pangungurakot.

Anupamang operasyon, panunupil, karahasan, at panlilinlang ang ihasik ng rehimeng US-Marcos sa hukbo at mamamayan, mananatili ang NPA at ang suporta ng masa sa rebolusyonaryong kilusan. Hindi kayang alisin ng pinakamasahol na terorismo ng estado ang katotohanang naikintal na sa isip ng mamamayan sa kanilang buhay at pakikibaka, na ang NPA ang tanging hukbong nagtatanggol sa kanilang interes. Batid ng NAAC na lalo lamang nitong patitibayin ang kapasyahang ubos-kayang labanan ang panunupil ng estado. Hangga’t nananatili ang kahirapan at kaapihan, magpapatuloy ang armadong pakikibaka at laging mahahanap ng buong rebolusyonaryong kilusan ang landas tungo sa ibayong paglakas.

Source link