PRWC » NDF-Laguna, kaisa pagpupugay kay Cleo del Mundo, bagong tagapagsalita ng MGC-NPA ST

Ang National Democratic Front-Philippines sa Laguna ay kaisa ng buong rebolusyonaryong kilusang masa, Partido at Hukbo sa pagbibigay pugay kay Kasamang Cleo del Mundo bilang bagong tagapagsalita ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog!

May halaga ang pagkakahirang ng isang bagong tagapagsalita para sa NPA-Southern Tagalog sa panahon ng pagdaluyong ng malalaking kilusang protesta laban sa korapsyon at burukrata-kapitalismo na matagal nang labis-labis na nagpapahirap sa sambayanang Pilipino.

Niyanig ang pasistang estado ng naghaharing-uring malalaking burgesya komprador, panginoong maylupa at burukrata kapitalista at mga tuta nila ng nagngangalit na sigaw ng panunuligsa ng daan libong mamamayan—mga kabataan-estudyante, guro at propesyunal, mga manggagawa, mga magsasaka, pambansang minorya at mga maralita na bumaha sa Luneta hanggang sa Mendiola noong Setyembre 21.

Ito ay isang palatandaan ng muling paglakas ng pambansa demokratikong kilusang masa ng mamamayan na walang-awat na sinusupil ng malupit na terorismo kapwa ng rehimeng US-Duterte mula 2016-2022 at rehimeng US-Marcos II mula 2022 hanggang kasalukuyan.

Magsisilbing inspirasyon para sa mga kabataan-estudyante ng Laguna ang boses ng Hukbong bayan sa pamamagitan ni Ka Cleo del Mundo. Mas maaga pa sa Setyembre 21 ay puu-puong mga kabataan-estudyante ang nagwalk-out sa kanilang mga paaralan at lumabas sa lansangan upang ipahayag ang galit at pagkamuhi sa katiwalian, panloloko at kabuktutan ng reaksyonaryong gubyerno.

Magiging hamon sa militansya ng mamamayang Lagunense sa kalunsuran ang boses ng Hukbong bayan para dalhin sa wastong direksyon ang kanilang pagngangalit at paglaban—yakapin nila ang armadong pakikibaka na tanging solusyon sa kanilang pagdurusa dulot ng salot na burukrata kapitalismo na sinusuhayan ng kapwa nitong mga salot na imperyalismo at pyudalismo.

May mahalagang papel ang boses ng tagapagsalita ng NPA Southern Tagalog upang itulak ang muling paglakas ng pambansa demokratikong rebolusyon sa rehiyon. Sa pamamagitan ng rumaragasang mga protesta palalakasin at palalawakin ang pagkakaisa ng mamamayan, pababahain ang suporta para sa hukbong bayan, puo-puong pupunta sa kananuyan ang mga kabataang estudaynte at mga manggagawa upang isulong ang digmang bayan.

Mabuhay si Kasamang Cleo del Mundo, bagong tagapagsalita ng NPA Southern Tagalog!
Mabuhay ang hukbong bayan!
Mabuhay ang pambansa demokratikong rebolusyon!

Source link