Unang nakapamutok ang isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command) laban sa nag-ooperasyong tropa ng 8th ID sa Sityo San Pedro, Barangay Poblacion 3, San Jose de Buan, Samar noong Setyembre 27 ng hapon. Dulot ng mataas nitong alerto at kahandaang gerilya, napatay ng hukbong bayan ang isang sundalo at marami ang nasugatan sa atake.
Ayon sa ulat ng BHB-Western Samar, alas-5 ng hapon sa araw na iyon ay nagpalipad ng helikopter ang 8th ID para sunduin ang mga sugatan nitong sundalo. Kinabukasan, naglustay na naman ng pondo ang mga sundalo sa pagpapalipad ng helikopter.
“Lubos na ipinagdiriwang ng masang Samarnon ang tagumpay ng BHB-Western Samar. Ito ay pagbibigay-hustisya sa masa na patuloy na sinasalanta ng pasistang terorismo ng 8th ID sa Samar,” pahayag ng BHB-Western Samar.
Paliwanag pa ng yunit, pinasusubalian pang lalo ng armadong aksyon ng hukbong bayan ang mga pahayag ng rehimeng Marcos na “wala nang grupong gerilya.” Anang BHB-Western Samar, “patuloy na nakapagpaparami ang BHB, nakapagpapalawak at malalim na umuugat sa masang magsasaka upang patuloy silang mulatin, organisahin, at pakilusin para sa rebolusyon.”
Anito, sa harap ng mga focused and sustained military operations (FSMO) ng 8th ID, mahusay na nakalalangoy at nakaaangkop ang BHB upang mapasuntok sa hangin ang pasistang kaaway at lalo pang makapagpalakas. “Determinado ang masa at BHB sa Western Samar na harapin at patuloy na biguin ang pasistang terorismo ng estado, at isulong ang digmang bayan,” ayon sa yunit.











