Ang Bayan Ngayon » Mga residente, tinutulan ang pribatisasyon ng palengke sa Baguio City

Sa temang “Save the Baguio City Public Market,” naglunsad ng Araw ng Pakikiisa ang mga residente ng Baguio City noong Oktubre 26 sa harap ng naturang palengke upang ipakita ang kanilang pagtutol sa pribatisasyon nito. Nagkaroon ng konsyerto, pagbabasa ng mga tula at zine (sulatin), photo exhibit, at pagpapalabas ng mga documentary sa naturang aktibidad. Nananawagan sila para sa inklusibo at nakasentro sa komunidad na pag-unlad na may pagpapahalaga sa mga manininda at sa mga naka-asa dito.

Noong Oktober 2020 inaprubahan ng City Development Council (CDC) ang hinaing plano ng SM Prime Holdings (SMPH) para sa pagpapaunlad sa Baguio City Public Market sa halagang ₱4.5 bilyon sa ilalim ng programang PPP. Ayon sa kontrata, tatapusin ang proyekto sa loob ng apat at kalahating buwan na may 50 taon na leasehold o pangangasiwa ng kumpanya ang palengke. Ipinailalim ang kontrata sa iskemang Public-Private-Partnership (PPP) na sinimulan ng rehimeng Aquino at ipinagpatuloy ng noo’y rehimeng Duterte.

Ayon sa Tongtongan Ti Umili (Baguio People’s Forum, Inc), nangangamba sila sa planong “modernisasyon” ng palengke dahil malalagay sa panganib ang kabuhayan ng mga manininda at mga nakaasa sa kanilang. Anito, mas pinapaburan ni Mayor Magalong ang interas ng malalaking korporasyon sa halip ang interes ng kanyang mamamayan na dapat nyang pinagilingkuran.

“Ang tunay na good governance ay sensitibo sa nararanasan ng mamamayan. Ang pagbabalewala sa interes ng ordinaryong mamamayan sa implementasyon ng mga development project ay ‘not good’, Marami sa mga vendors ang maaring hindi na kayanin ang upa sa pwesto, kaya maobliga sila na itaas ang presyo, kaya ang apektado ay konsumer, lalo na ang pinakamahirap,” paliwanag ni Geraldine Cacho, tagapangulo ng Tongtongan.

“Hindi kami tutol sa pagpapaunland ng palengke, kundi sa magiging epekto nito sa mga manininda. Kapag tinabihan mo ang isang palengke ng mall, apektado yun maliliit na manininda. Yan ang ikinatatakot ng mga vendors, mahirap makipagkompetensiya sa isang malaking negosyo,” ayon kay Atty. Zosimo Abratique ng Baguio Market Vendors Association (BaMarVa).

Noong Oktubre 23, tinalakay ang mga adpeyt sa napipintong pribatisasyon ng palengke sa espesyal na sesyon ng Baguio City Council. Napag-alaman na aakuin ng gubyerno ng syudad ang pamamahala sa apat na palapag ng pampublikong palengke, habang ang SMA ang mamamahala sa tatlong palapag na commercial building at walong palapag para sa parking. Nasa 64% ng erya o nasa 19,347 square meter ng palengke ang mapapailalim sa kontrol ng SM, habang ang palengke ay mag-okupa ng 11,060 square meter na lamang. Nakita rin na bagamat ito ay PPP, gagastos pa rin ang syudad para sa relocation site. Napag-alaman na nagbayad lamang ng mas maaga sa renta ang SM kaya nagmukhang libre o walang ginastos ang syudad.

“Sa ngayon, higit na kinakailangan ang pagkilos ng mamamayan ng Baguio kasama ang mga vendors para tumindig at labanan ang nakaambang takeover ng SM sa ating palengke,” pahayag ni Cacho.

Source link