Mga Pilipinong aktibista, nakiisa sa pagkilos sa Australia laban sa henosidyo sa Palestine

Nakiisa ang International Leage of Peoples’ Struggles (ILPS) Australia at mga pambansang demokrtatikong organisasyon sa pamumuno ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Australia sa daan-daang libong mamamayan noong Agosto 3 sa Sydney, Australia, upang kundenahin ang henosidyo ng US-Israel sa Palestine. Lumahok sila sa protestang tinawag na “March for Humanity, Save Gaza” na pinamunuan ng Palestine Action Group Sydney.

Sa kabila ng malakas na pag-ulan, hindi nagpatinag ang mga mamamayan na may bibit na bandila ng Palestine, plakard at mga kaldero para ipanawagan ang kapayapaan at paghahatid ng ayuda sa mga mamamayan ng Gaza. Kasama sa mga nagprotesta si Julian Assange, ang tagapagtatag ng Wikileaks, at ilang upisyal ng Australia.

Mula Oktubre 7, 2023 hanggang Hulyo 26, nasa 59,733 Palestino na ang direktang pinatay ng mga bomba at bala ng US-Israel. Hindi bababa sa 175 na Palestino ang namatay dahil sa gutom at malnutrisyon, kabilang ang 93 na bata. Tinaguriang “pinakabrutal na henosidyo” sa kasaysayan ng sangkatauhan ang nangyayari ngayon sa Gaza.

“Matatag kaming nakikiisa sa mga mamamayan ng Palestine at kanilang makasaysayang pakikibaka para sa pambansang paglaya at sariling pagpapasya. Kinukundena namin ang US-Zionistang rehimen na responsable sa nagaganap na henosidyo,” pahayag ng Bayan-Australia.

Liban sa pagkundena sa henosidyo sa Gaza, binatikos rin ng mga Pilipinong aktibista ang pagpapakatuta ng rehimeng US-Marcos na nagsasapanganib sa mamamayang Pilipino.

Source link