Umaasa ang mga pamilya at biktima ng huwad na gera kontra-droga ng rehimeng Duterte para sa agarang pag-aresto kay Ronaldo “Bato” de la Rosa, kasalukuyang senador at dating hepe ng Philippine National Police. Isa si de la Rosa sa dalawang direktang pinangalanan ng International Criminal Court (ICC) na kasabwat ng dating presidente na si Rodrigo Duterte sa huwad na gera.
Inanunsyo noong Nobyembre 8 ng Ombudsman na si Jesus Crispin Remulla na naglabas na ng mandamyento de aresto ang ICC para kay de la Rosa. Bagamat di kumpirmado, agad na nagtago si “Bato.” Lumitaw lamang siya matapos magsampa ng petisyon ang kanyang mga abugado sa Korte Suprema para ipatigil ang paghahain ng di-kumpirmadong mandamyento.
“Itigil ni Sen. Bato Dela Rosa ang pag-aastang duwag,” pahayag ni Sheerah Escudero, kapatid ng biktima na si Ephraim Escudero. “Wala siyang awa nang inutusan niyang patayin ‘kill, kill, kill’ ang mga pinagsusupetsahan. Magsama na sila ni Duterte sa bilangguan ng ICC sa lalong madaling panahon.”
Panawagan ng mga biktima, agad na isurender si de la Rosa sa ICC oras na dumating ang mandamyento para sa kanya.
“Dapat walang kompromiso kay Bato o sa kampo ng mga Duterte,” ayon kay Rubylin Litao, pambansang koordineytor ng Rise Up for Life and for Rights. “Hindi dapat ginagamit sa pakikipagtawaran ang hustisya.”
Surender at hindi ekstradisyon ang pagpasa kay de la Rosa sa ICC
Inilinaw ni Atty. Kristina Conti, abugado ng mga biktima, na surender at hindi “extradition” ang magiging proseso ng paglilipat ng kustodiya ni de la Rosa mula sa Pilipinas tungong ICC. Ang extradition ay sa pagitan ng dalawang bansa. Ang surender ay isang porma ng kooperasyon ng isang bansa sa ICC, myembro man ito o hindi.
Ani Conti, ang mandamyento mula sa ICC ay isang internasyunal na mandamyento. May bisa ito sa lahat ng teritoryo na kumikilala dito, tulad ng mga bansang myembro at maging sa mga bansang nakikipagtulungan lamang dito. Sa aktwal, ito ang dinaanang proseso nang arestuhin si Rodrigo Duterte at dalhin siya sa The Netherlands noong Marso.
Wala ring kinikilalang “immunity” ang ICC. “Di pwedeng sabihin ni Bato na hindi siya pwedeng arestuhin dahil senador siya,” ayon kay Conti. “Pinakamainam sa kanya na boluntaryong pumaloob sa hurisdiksyon ng ICC…humarap sa imbestigasyon para linawin ang kanyang papel sa gera kontra droga.”
*Walang katapusang “delaying tactics” ng kampong Duterte*
Tuluy-tuloy na pagmamaniobra ng kampo ni Duterte para ibalam ang kumpirmasyon ng mga kaso laban sa sangkatauhan na iniharap sa dating presidente.
Noong Nobyembre 14, naghain ng apela ang kanyang mga abugado laban sa desisyon ng Pre-Trial Chamber Court 1 hinggil sa hurisdiksyon nito sa kaso. Una nang naglabas ang korteng ito ng desisyong nagsasaad na nakapailalim ang mga kaso ni Duterte sa hurisdiksyon ng ICC kahit hindi na myembro ang Pilipinas. Anito, saklaw pa ang mga ito ng korte dahil naganap ang mga krimen noong myembro pa ang bansa sa ICC. Sinabi ng korte na hindi dapat inaabuso ng mga bansa ang karapatan nilang umatras sa ICC para iligtas ang makapangyarihang mga indibidwal.
Bago nito, dalawang beses na naghapag ang mga abugado ni Duterte ng petisyon para i-disqualify ang mga duktor at eksperto na titingin sa kanya at magrerekomenda kung siya ba ang “fit for trial.” Dahil dito, pinalitan ng ICC ang tatlong eksperto noong Oktubre 10, na muling nagbalam sa buong proseso.











