Mga pagkilos kontra korapsyon, inilunsad ng mga Pilipinong migrante sa iba’t ibang bansa

Kasabay ng malawakang pagkilos sa Pilipinas noong Setyembre 21, naglunsad ng koordinadong mga aksyon at aktibidad ang mga pambansang demokratikong organisasyon at kanilang mga alyado sa ibayong dagat upang gunitain ang ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law, pagkundena sa malawakang korapsyon sa Pilipinas at panawagang pagpapanagot kay Sara Duterte at sa rehimeng US-Marcos.

Sa Asia-Pacific, hindi nagpatinag sa lakas ng ulan na nag “Zum-baha laban sa korapsyon” ang mga myembro ng Migrante Hong Kong. Kasunod nito, nag piket ang mga myembro ng Migrante Hong Kong, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Hong Kong at Unifil-Hong Kong sa harap ng konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong.

Mahigit 50 ang dumalo sa protesta sa Sydney Town Hall sa Sydney, Australia. Lumahok sa pagkilos ng mga grupong Malaya, Bayan, Migrante at Anakbayan at mga alyado. Pagsapit ng hapon, nagpiket ang mga grupo sa harap ng konsulado ng Pilipinas sa Melbourne, Australia. Naglunsad din ng protesta ang Migrante Perth sa Yagan Square, Perth, Australia.

Nakatakda naman ang pagkilos ng Anakbayan, Migrante at Bayan New Zealand sa Setyembre 23 sa Freyberg Square, Auckland, New Zealand.

Naglunsad ng mga forum ang grupong Migrante at Bayan sa Thailand, Japan at South Korea.

Sa Canada, inilunsad ang isang misa at alay lakad bilang pag-alala sa mga biktima ng martial law sa pangunguna ng Bayan, Migrante, Anakbayan at ICHRP sa Vancouver, Brittish Columbia at Montreal, Quebec. Nagprotesta din ang grupong Bayan. Migrante at Anakbayan sa Joyce Station sa Vancouver at sa Bathurst and Wilson Parkette sa Toronto. Naglunsad naman ng forum ang Migrante Alberta at Anakbayan Edmonton sa Edmonton, Alberta at community film screening ng Sister Stella L sa Ottawa, Ontorio.

Sa Europa, naglunsad ng protesta ang mga grupong Migrante, Bayan, Anakbayan, Gabriela at Duterte Panagutin Europe sa labas ng International Criminal Court sa The Hague, Netherlands at sa Leicester Square sa London United, Kingdom. Naglunsad din ng protesta ang Umangat Migrante Rome, Gabriela Rome, Sandiwa at Alza Vita Roma sa Parco Conca de Oro, Rome, Italy.

Sa US, naglunsad ng mga pagkilos ang Bayan, ICHRP, Malaya Movement, Gabriela, Anakbayan, Migrante at Tanggol Migrante Movement sa labas ng konsulado ng Pilipinas sa New York City, Chicago, Los Angeles at San Francisco; Holy Family Catholic Church sa Portland, Oregon; Forest Park sa Queens, New York, Jose Rizal Park sa Seattle, Washington, at Dupont Circle sa Washington, DC.

Ayon kay Allan Mendoza ng Migrante UK, bilang migrante na naninirahan sa ibang bansa, nag-aambag sila sa pangkalahatang pondo ng bayan sa pamamagitan ng pagpapadala ng US$35 bilyong halaga ng remitans kada taon. Ngunit sa panahon ng krisis, ang mga kinatawan ng gubyerno ay ninanakaw ang pera na dapat ay para sa taumbayan.

“Habang ang mga OFW ay nagtatrabaho sa mapang-abusong kundisyon, kumakaharap sa gutom at pangungulila, ang mga pulitiko at kanilang ‘nepo babies’ ay namumuhay ng marangya gamit ang ating buwis,” paliwanag ni Mendoza.

“Ang protesta na ito ay patunay na ang mga Pilipino, sa kahit saang bansa, ay gutom para sa tunay na panlipunang pagbabago, pagbabago na mangyayari lamang kung magkakaisa ang mamamayan para pabagsakin ang sistemang nilikha para mang-api at magsamantala sa mahihirap”, pahayag ng Migrante UK.

Source link