Nanawagan ang grupong International Seafarers Action Center (ISAC) sa rehimeng US-Marcos na protektahan ang mga Pilipinong manggagawa sa barko at mga migrante dulot ng henosidyo ng Israel laban sa Palestine at pananalakay nito sa iba’t ibang bansa sa Middle East.
Nitong mga nagdaang buwan, napaslang ang isang caregiver sa Israel at apat na Pilipinong manggagawa sa barko sa paglubog ng barkong MV Eternety C sa Red Sea. Nagpahayag ng pakikiramay ang grupo sa mga biktima.
Ayon sa ISAC, direkta ang epekto ng agresyon ng Israel sa Middle East sa libu-libong migranteng Pilipino na nagtatrabaho sa lupa at karagatan sa rehiyon.
“Dapat protektahan ng gubyerno ang Pilipinong manggagawa sa barko at mga migrante mula sa epekto ng gera, sa halip na agresibong itulak ang mga Pilipino na magtrabaho sa ibang bansa. Dapat tiyakin ng gubyerno na walang migrante ang malalagay sa panganib,” pahayag ng ISAC.
“Higit sa lahat, dapat magbigay ang gubyerno ng disenteng trabaho, lupa at kabuhayan sa sarili nating bayan upang mapigilan ang ating mamamayan na iwan ang kanilang pamilya para lamang mabuhay,” dagdag ng grupo.
Ayon sa grupo, libu-libong Pilipino ang apektado sa gera sa Iran at Palestine. Dapat maging mas aktibo ang rehimeng Marcos na tapusin ang gera. Dapat suportahan ng Pilipinas ang mga kaso sa International Court of Justice at sa International Criminal Court para sa krimen sa gera at henosidyo laban sa Zionistang rehimeng Netanyahu ng Israel. Dapat rin bawiin ng estado ang suporta nito sa Israel at itigl ang pagbili ng armas mula dito.
“Dapat maging bahagi ang Pilipinas sa mga naliliwanagan na mga nasyon sa The Hague Group na pinamumunuan ng Columbia at South Africa na nagdesisyon na kumilos at magpataw ng sangsyon sa Israel upang pwersahin itong itigil ang kanyang gera at henosidyo sa Palestine. Dapat maging bahagi tayo sa mga pagsisikap laban sa gera sa Middle East,” paliwanag ng ISAC.
“Dapat ding paalisin ang mga base para sa EDCA sa Pilipinas. Ang pang-uupat ng gera ng US at paglulunsad ng mga ehersisyo sa West Philippine Sea ay naglalagay lamang sa buhay ng ating mamamayan sa kapahamakan. Saan man may gera ang US, tulad ng Iraq, Afghanistan, Syria at Gaza, ang mga mamamayan ang nagdurusa. Hindi natin dapat hayaang mangyari ito sa ating bansa!” dagdag ng grupo.











