Ang Bayan Ngayon » Mga lider-masa ng Cebu na nagprotesta kontra korapsyon, sinampahan ng rehimeng Marcos ng reklamo

Kinundena ng mga progresibong grupo ang pagpapatawag ng Cebu City Prosecutor’s Office sa mga lider-masa ng Cebu dahil sa sinasabing paglabag nila sa Batas Pambansa 880 o ang Public Assembly Act. Isinaad sa mga subpoena na may petsang Setyembre 29 na kinahaharap nila ang reklamo kasunod ng kanilang protesta sa Cebu City District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways Region VII sa syudad noong Setyembre 5.

Kabilang sa mga inireklamo sina Nanay Bebe Allere ng Panaghupong-Kadamay, Jaime Paglinawan ng Bagong Alyansang Makabayan-Central Visayas, John Ruiz ng Bayan Muna, Howell Villacrucis ng AMA-SUGBO-KMU, at iba pa. Pinagsusumite sila ng kontra-salaysay sa loob ng 10 araw para tugunan ang reklamo.

“Ang mga reklamong isinampa laban sa mga iginagalang na mga lider mula sa mahihirap at progresibong sektor ay nagdidiin sa tuluy-tuloy na pagbakbak sa demokratikong espasyon sa ngalan ng batas at kaayusan,” ayon sa Karapatan-Central Visayas.

Anang grupo, malinaw na malinaw para sa mamamayang Pilipino kung bakit sinusupil ang mga lider-masa laluna at pinangungunahan nila ang lumalakas na panawagan kontra sa laganap na korapsyon sa gubyerno. “Sa halip na tugisin ang mga aktibsita na nagpapahayag ng makatwirang galit sa korapsyon, dapat magtuon ng pansin ang gubyerno sa pag-aresto sa mga nagpayaman sa sarili sa pangungurakot,” ayon pa sa grupo.

Malaon nang ginagamit ng estado ang BP 880 para supilin ang boses at protesta ng mamamayan. Ang batas ay pamana ng diktadurang Marcos na patuloy na ginagamit laban sa mamamayan hanggang sa kasalukuyan.

Matatandaan na ito rin ang kasong ginamit laban kay Jonila Castro, tagapagsalita ng Kalikasan People’s Network for the Environment, kaugnay ng protesta noong Setyembre 4 sa harap ng gusali ng St. Gerrard Construction, pag-aari ng mga Discaya, na isa sa mga kontratistang imbwelto sa batbat-sa-korapsyong mga proyektong flood control. Binato nila ng putik ang logo at geyt ng kumpanya bilang simbolikong pagpapamalas ng kanilang galit.

Source link