Ang Bayan Ngayon » Mga kabataan at estudyante, muling nagprotesta kontra korapsyon

Muling naglunsad ng pambansa-koordinadong protesta at walkout kontra korapsyon ang mga grupo ng kabataan at estudyante noong Nobyembre 21. Nagmartsa sila sa Mendiola sa Maynila at naglunsad ng lokal na programa sa maraming syudad sa Metro Manila at sa walong iba pang syudad at prubinsya. Bahagi ang mga pagkilos na ito ng linggu-linggong Black Friday Protest ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK).

Pinangunahan ng Youth Rage Against Corruption (YRAC) ang martsa ng 1,500 kabataan sa Mendiola. Nakiisa sa pagkilos ang mga estudyante mula sa University of the Philippines, Ateneo de Manila University, De La Salle University, University of Sto. Tomas, Far Eastern University, University of the East, National University, at Adamson University. Dumalo rin ang mga grupong bahagi ng mga alyansang One Taft, One University Belt at One Intramuros.

Pangunahing sigaw ng mga kabataan sa Mendiola: “Marcos, Duterte, resign!” Ayon sa lider ng YRAC na si Tiffany Brillante, “Pinaiikot-ikot tayo ng mga Marcos at Duterte dahil ayaw nilang masangkot sa korapsyong sila ang arkitekto. Sawa na ang taumbayan sa naghaharing dinastiya, kaya nararapat na alisin sila sa pwesto.”

Ang protesta ng YRAC sa Mendiola noong Nobyembre 21 ay ang ikatlong martsa na pinangunahan ng mga kabataan. Una silang dumaluyong sa Mendiola noong Oktubre 17 na sinundan ng protesta noong Nobyembre 17 bilang paggunita sa International Students Day.

Binatikos ng YRAC ang pagtatangka ni Marcos na sindakin ang kabataan para tumigil sa pagkilos. “Hindi titigil ang panawagang resign, kahit pa ay takutin tayo ng mga kaso. Si Marcos Jr at Sara Duterte ang dapat matakot kapag tuluyang binaha sila ng galit ng kabataan,” pahayag ni Brillante.

Sa labas ng Maynila, inilunsad ng mga grupong alyado ng YRAC ang mga kilos protesta sa Pampanga, Rizal, Cavite, Batangas, Quezon, sa Calamba at Los Baños sa Laguna, Tacloban City at Davao City.

Muling lalahok ang YRAC sa protestang bayan na pangungunahan ng KBKK sa Luneta Park sa Nobyembre 30. Ipapanawagan ng KBKK sa Baha sa Luneta 2.0 ang pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa katiwalian ng rehimeng Marcos.

“Mula sa simpleng ‘managot ang kurakot’ hanggang sa malalalim na panawagan para magbitiw sa pwesto sina Bongbong Marcos at Sara Duterte at baguhin ang bulok na sistema ng pamamahala, lahat ng lehitimong sigaw ng bayan ay may puwang at pakikinggan,” pahayag ng KBKK para sa protesta.

Source link