Pinuna ng grupo ng mga nagsusulong ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang patuloy na pag-iral ng mga balakid sa pormal na negosasyon. Ayon sa Council of Leaders for Peace Initiatives (CLPI), dalawang taon makalipas ang pagpirma ng GRP at NDFP sa Oslo Joint Statement ay walang makabuluhang pag-usad sa negosasyon.
Ang dokumento ay isang deklarasyon ng balak o paghahangad na muling buksan ang usapang pangkapayapaan at buuin ang balangkas kung papaano ito isasagawa. Pinirmahan ito noong Nobyembre 23, 2023 sa Oslo, Norway. Isa itong pangkalahatang deklarasyon kung saan pinagsanib ang mga hangarin ng magkabilang panig: ang paglutas sa “malalalim na nakaugat na sosyo-ekonomiko at pulitikal na mga usapin” at “paglutas sa mga ugat ng armadong tunggalian,” sa panig ng NDFP; at sa kabilang panig, ang “pagtatapos ng armadong pakikibaka” at “transpormasyon ng CPP-NPA-NDFP,” na nilalayon ng GRP.
Produkto ng serye ng mga impormal na talakayan na ginanap sa Netherlands at Norway ang pinagsanib na pahayag. Sinimulan ito noon pang 2022 sa pagitan ng mga emisaryo ng GRP at ng NDFP sa tulong ng Royal Norwegian Government (RNG). Sa panig ng GRP, lumagda dito sina Special Assistant to the President Antonio Ernesto F. Lagdameo Jr, ang emisaryong si Gen. Emmanuel T. Bautista (Ret) at Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary na si Carlito Galvez Jr. Sa panig ng NDFP, lumagda sina Ka Julieta de Lima, pumanaw na si Ka Luis Jalandoni, Ka Coni Ledesma, at Ka Nonoy Palima. Ang pagpirma ay sinaksihan ni RNG Special Envoy Christina Lie Revheim.
Tinukoy na isang balakid ng CLPI ang panawagan ng mga tauhan at ahensya ng GRP sa NDFP na magsalong ng armas at sumurender bago pa man makapagnegosasyon. “Taliwas ito sa pananaw na ang armadong pakikibaka ay produkto ng lubhang hindi pantay na mga strukturang sosyo-ekonomiko at pampulitika,” pahayag ng CLPI.
Ang ganitong mga panawagan, dagdag ng grupo, na katumbas ng isang walang taning na tigil-putukan, ay nagsisilbi lamang na sagka sa negosasyong pangkapayapaan. Ang mga panawagan ng pagsurender ay pangunahing nagmumula sa National Task Force-Elcac (NTF-Elcac) at mga militaristang tauhan ng rehimen na nagpapatupad sa kampanyang kontra-insurhensya.
Ayon sa CLPI, ang “whole-of-nation approach” na ipinatutupad sa pamamagitan ng NTF-Elcac at pinalawig at pinabagsik sa bisa ng National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD) ay nagbubukas ng pinto para sa mas maraming paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas. Bahagi rin ng kampanya kontra-insurhensya ang batbat-sa-korapsyon na mga BDP o “bogus development program” ng NTF-Elcac na bahagi ng “localized peace efforts” nito.
Mukhang di umuusad ang pagbubuo ng bagong Framework Agreement para buksan ang panibagong serye ng usapan, ayon sa CLPI. Sa harap nito, mungkahi ng grupo na gamitin bilang balangkas ng negosasyon ng dalawang partido ang 1992 Hague Joint Declaration (THJD). Umapela ito sa GRP na itaguyod ang mahahalagang laman ng naturang dokumento.
Ayon sa grupo, ang dokumento ay isang panandang-bato sa kasaysayan ng pagkakamit ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa Pilipinas. “Tahasang kinikilala nito na ang armadong tunggalian ay may mga ugat na panlipunan, pang-ekonomya, at pampulitika at kailangang tugunan ang mga ugat na ito upang wakasan ang digmaan,” pahayag ng CLPI.
Nanawagan rin ang CLPI na itaguyod ang garantiya sa kaligtasan at hindi pag-aresto sa mga kalahok sa negosasyong pangkapayapaan tulad ng nakasaad sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Anang grupo, ang maraming kaso ng pagpatay at pag-aresto sa mga konsultant at tauhan ng NDFP ay taliwas dito at dapat matugunan.
“Ang pagpapalaya sa mga detenidong mga konsultant ng NDFP ay kinakailangan sa negosasyong pangkapayapaan at dapat itrato bilang bahagi ng pagbubuo ng kumpyansa,” pahayag ng CLPI. Mayroong hindi bababa sa 10 konsultant at istap ng NDFP ang nakakulong sa kasalukuyan.
Sa patuloy na pagkaantala ng muling pagbubukas ng pormal na negosasyon dahil sa maraming balakid, nagpahayag ang CLPI ng kahandaang magbantay at bigyang impormasyon ang publiko. Sa nagdaang dalawang taon, naglunsad ng mga pagtitipon at aktibidad ang CLPI at iba pang mga grupo tulad ng Philippine Ecumenical Peace Platform para baklasin ang mga sagka para sa muling pagbubukas ng negosasyon.











